Iba’t ibang programa ng PCUP para sa maralitang pilipino, alamin

KAPAG naririnig ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ng ordinaryong Pilipino, nakasisiguro tayong ang unang papasok sa kanyang isipan ay ang ahensiya ng gobyerno na para lamang sa mga hinaing ng maralitang Pilipino tungkol sa demolisyon o ebiksiyon.
Ito ang bagay na nais nating baguhin sa PCUP dahil kung inyong mapapansin, sa pangalan pa lamang ng ating ahensiya, ibig sabihin nito ay komisyon para sa mga maralitang tagalungsod. Hindi tayo magpapakulong sa isyu ng demolisyon at ebiksiyon dahil hindi lang naman ito ang problema ng mga maralitang Pilipino.
Tanong: Anu-ano ang mga programa ninyo para sa tulad naming mahihirap?
Sagot Bukod sa pagbibigay ng assistance sa isyu ng demolisyon at ebiksiyon, inilunsad ng PCUP noong nakaraang taon ang tinatawag na “Three Priority Programs” kung saan layunin nitong mapagaan ang buhay ng maralitang Pilipino. Kabilang sa mga programang ito ay ang mga sumusunod: PCUP caravan, PCUP Privilege Card at Adopt an Urban Poor Community.
Nagsagawa na ng caravan ang PCUP na ginanap sa Mindanao at Visayas kung saan tinatayang aabot sa 5,000 katao na ang nabigyang-ayuda ng PCUP katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na tumugon sa mabuting adhikain ng ating opisina.
Sa susunod naman na buwan isasagawa ang kauna-unahang caravan para sa Luzon na gaganapin sa Legazpi City, Albay at tinatayang 3,500 tao ang inaasahang mabibiyayaan ng nasabing programa.
Samantala, nasa proseso pa ng diskusyon at pag-aanalisa ang PCUP Privilege Card at Adopt an Urban Poor Community upang maisakatuparan at mailunsad sa susunod na quarter ng taong kasalukuyan.
Muli, ang PCUP ay magbabagong-anyo, hindi na tayo magiging tulad ng dati na isyu lamang ng demolisyon at ebiksiyon ang tinututukan. Sinisiguro nating magiging pro-active na ahensiya ang PCUP at makikilala ito bilang opisina ng gobyerno na direktang nagbibigay ng serbisyo para sa maralitang Pilipino.





Comments