1937, 1949,1961, 1973, 1985, 1997 at 2009... SADLAKANG KAPALARAN NG MGA ISINILANG SA YEAR OF THE OX


SA pagkakataong ito ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Ox o Baka ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Ox kung isinilang ka noong 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997 at 2009.
Ang Year of the Ox ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Saturn at sa Western Astrology, siya ang kumakatawan sa zodiac sign na Capricorn.
Higit na maraming pagsubok ang daranasin ng mga Baka kung sila ay isinilang sa panahon ng taglamig, pero madali naman nila itong makakayanan at mareresolba.
Sa kabilang banda, magaang at masarap ang buhay ng Baka kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-araw habang tahimik naman ang mga Baka na isinilang sa gabi kung ikukumpara sa medyo maingay at agresibong Baka na isinilang sa umaga at tanghaling-tapat.
Sa totoo lang, simple lang ang mga baka, pero umunlad at umasenso ang nakadisenyong kapalaran sa kanila.
Bukod sa pagiging masikap at masipag, kayang-kaya ng mga Baka na labanan at tiisin ang lahat ng pagsubok na dumarating sa kanilang buhay nang may katatagan at sigla.
Kumbaga, sa literal na pagkukumpara, kung ikaw ay Baka habang umuulan at bumabagyo sa bukid o kaya naman ay tirik ang init ng araw tuloy pa rin ang iyong pag-araro, umulan man o bumagyo dahil sadyang balewala sa kanila ang anumang external na pangyayari sa kalikasan dahil ang kanilang tadhana ay nakadisenyo upang magsipag hanggang sa tuluyan nang umunlad at yumaman.
Dagdag pa rito, sinasabi ring ang mga Baka ay mahusay na tumanaw ng utang na loob. Kaya kapag tinulungan mo sila, umasa kang sobra nilang pahahalagahan ang nagawa mong tulong kahit lumipas pa ang mahabang panahon. Kaya sa sandaling sila naman ang tumulong sa iyo, doble pa sa naitulong mo ang ipagkakaloob nila sa iyo.
Bukod sa praktikal, tuso at matalino, ang mga Baka ay talaga namang maaasahan at masisipag. Kaya kung ikaw ay magkakaroon ng empleyadong Baka, siguradong sa pagsusumikap niya at pagsisipag, madaling uunlad ang inyong negosyo o kumpanya.
Ang ikinaganda pa ng Baka kung sakaling sila ang iyong magiging empleyado, hindi sila mareklamo at hindi nila gaanong pinapansin ang intriga at tsismisan, sa halip, mas nae-enjoy silang tumutok sa computer. Nangyaring ganu’n dahil ang mga Baka ay sadyang gusto nang tahimik na buhay.
Ang mga Baka ay hindi rin mahilig humingi ng tulong, sa halip, para sa kanila, kung kaya nilang mag-isa hangga’t maaari ay sila na lang ang gagawa.
Sa pananamit, hindi gaanong pinapansin ng Baka ang mga nauuso, sa halip, may sarili silang style na iba sa karamihan.
Dahil dito, hindi sila gaanong nakikiuso at kung minsan, ang mga Baka ay nasasabihan tuloy na baduy at konserbatibo.
Samantala, dahil praktikal ang mga Baka, sila rin ay may pagkamateryoso, kaya kung minsan ay nasasakripisyo nila ang kanilang emosyon o damdamin dahil para sa kanila, higit na mas mahalaga ang maunlad na negosyo at maraming salapi kaysa umasa sa emosyon o damdamin na madali namang naglalaho at lumilipas.
(Itutuloy)




Comments