Sey ng experts... PAGMUMUMOG NG TUBIG NA MAY ASIN, EPEKTIB NA PANLABAN SA SIPON!


MADALAS na ipinanggagamot natin sa sipon ang mga over-the-counter medicine dahil bukod sa mura ito, eh, madali itong bilhin dahil hindi na kailangan ng reseta mula sa doktor. Pero, mga lodi, knows ba ninyo na dehins na natin kailangang gumastos dahil may home remedy nang kayang magpagaling nito? Hmmm…
Ayon sa pag-aaral, ang sipon ay kayang gamutin sa pamamagitan ng home remedy, partikular ang pagmumog ng tubig na may asin.
Ito umano ang ginagamit ng katawan upang mag-produce ng anti-viral bleach. Ang paggamit umano ng nose drops at pagmumumog ng tubig na may asin ay nakatutulong sa mabilis na pagtanggal ng virus sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong araw.
Ang naturang pag-aaral ay isinagawa ng mga researcher mula sa Edinburgh and Lothians Viral Intervention Study (ELVIS) sa 54 na mga kalahok na mayroong sipon.
Hinati sa dalawang grupo ang mga kalahok, ngunit, ang unang grupo ay mayroong 34 na katao habang ang ikalawang grupo ay 20 lamang.
Ang unang grupo ay inatasan na maglagay ng tatlong gramo ng cornish sea salt sa isang litro ng kumukulong tubig.
Pagkatapos nito, habang pinalalamig ang tubig, ipinalanghap ito sa mga kalahok nang tatlong beses, gayundin, ipinamumog ang natitirang tubig sa kanila.
Samantala, ang ikalawang grupo ay walang ginawa upang mapabilis ang paggaling ng kanilang karamdaman.
Ayon sa pag-aaral, ang mga kalahok na gumamit ng nabanggit na home remedy ay hindi na kinailangang bumili ng over-the-counter medications, gayundin, hindi nakahahawa ng sakit ang mga ito sa mga taong nakapaligid sa kanila, partikular sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Gayunman, ayon sa mga eksperto, ang mga cell sa katawan ay gumagamit ng chloride na mayroon ang asin upang mag-produce ng hypochlorous acid o HOCI kung saan ito ay aktibong sangkap na matatagpuan sa bleach.
Upang malaman ang mga pagbabago sa nararamdaman ng mga kalahok, gumamit ng daily questionnaire ang mga researcher sa dalawang grupo.
Lumabas sa resulta na ang grupo na gumamit ng salt solution ay mas mabilis na gumaling sa loob lamang ng tatlong araw.
Dagdag pa rito, bumaba umano ng 30 porsiyento ang tsansa na kumalat ang virus sa kanilang katawan at kapaligiran.
Pero, payo ng mga eksperto, kung hindi epektibo sa inyo ang salt solution, mas mainam kung kokonsulta kayo sa doktor nang sa gayun ay makasigurado kayo sa dapat ninyong gawin.
Oh, ayan, mga lodi, kung matagal nang hindi gumagaling ang inyong iniindang sipon, try n’yo na ‘to! Wala namang masama kung susubukan ninyo dahil kung epektibo naman, eh, di bongga, ‘di ba?
Always take care, mga bes!





Comments