BLUE EAGLETS, MAY TWICE-TO-BEAT NA SA UAAP JRS. FINAL 4 ROUND


SINIGURO ni Kai Sotto na magiging maayos ang pagtungtong ng defending champion Ateneo de Manila sa semifinals ng UAAP Season 81 Juniors Basketball Tournament.
Nagtala muli ng double-double si Sotto na tinuwangan ng kapwa Blue Eaglets slotman na si Geo Chiu upang pangunahan ang koponan sa pagpapadapa sa Adamson kahapon sa pagtatapos ng elimination round sa FIloil Flying V Centre. “I’d like to give credit to our bigs. They were fighting for it the whole time,” wika ni Ateneo coach Reggie Varilla.
Pinamunuan ng 7-foot-1 at 16-anyos na si Sotto, ang nangungunang MVP candidate ang inilatag na 17-3 run sa second canto ng Ateneo na nagresulta sa 42-26 na kalamangan sa halftime. Hindi na sila lumingon pa mula roon para tapusin ang eliminations na may 11 panalo kontra 3 talo.
Sa kabuuan, nagposte si Sotto ng 17 puntos, 15 rebounds, 5 assists, at 2 blocks habang naitala naman ni Chiu ang kanyang best game makaraang magtapos na may 18 puntos, 10 rebounds, at 4 blocks.
Dahil sa panalo, inangkin ng Ateneo ang ikalawa at huling twice-to-beat incentive sa Final Four round.
Nauna ng nakamit ng Nazareth School of National University ang unang twice-to-beat advantage na kanilang bibitbitin sa semis kontra 4th seed Adamson na tumapos na may 9-5 na marka.
Makakatapat ng Ateneo ang pumangatlong Far Eastern University-Diliman. TEAM STANDINGS NU 12-1 (twice-to-beat) Ateneo 11-3 (twice-to-beat) FEU-Diliman 9-4 (Final Four) Adamson 9-5 (Final Four) UST 7-7: DLSZ 4-10: UE 2-12: UPIS 1-13: (VA)





Comments