Kaya dapat kayong ma-motivate ngayong taon... MAGAGANDANG KAPALARAN NG MGA ISINILANG NGAYONG YEAR OF
- BULGAR

- Feb 7, 2019
- 3 min read

SApagpapatuloy ng ating diskusyon hinggil sa animal sign na Pig, nitong nakaraang mga araw ay tinalakay natin ang kanilang pangunahing ugali at katangian.
Ngayon naman ay aanalisahin natin kung ano ang magiging kapalaran ng mga Year of the Pig, ngayong 2019.
Mula ika-5 ng Pebrero 2019 hanggang sa ika-24 ng Enero 2020, iiral ang impluwensiya ng Earth Pig kung saan taglay ngayong 2019 ang elementong earth o lupa habang likas na elemento ng Pig ang water o tubig.
Ibig sabihin, dalawang elemento ang mamamayani ngayong taon. Ang elementong lupa (earth) at ang elementong tubig (water), kaya ipinapalagay na ang taong ito ay lubhang magiging maunlad at masagana higit lalo sa mga negosyante at mangangalakal.
Kung isinilang ka sa Taon ng mga Baboy (silang mga isinilang noong 1935/ 1947/ 1959/ 1971/ 1983/ 1995/ 2007/ 2019) at ngayong taon ay Year of the Pig, sinasabing hindi kagandahan ang iyong kapalaran at hindi rin naman kapangitan, kumbaga, sakto at tamang-tama lang.
Subalit, kung nais mo talagang maging positibo at lalo pang gumanda ang iyong karanasan at ang tatahakin mong kapalaran sa buong taon, inirerekomenda na magsuot ka ng bracelet na kulay pula.
Puwede rin ang kahit na anong kasuotan o alahas na kulay pula sapagkat ang mahalaga, ikaw ay palaging mayroong kulay pulang bagay sa iyong katawan upang tulad ng nasabi na, ang lucky charm na kulay pula ang magsisilbing pantaboy mo sa mga negatibong enerhiya at panghigop sa mga suwerte at magagandang kapalaran.
Sinasabing ngayong taon, ito ang pinakagandang panahon para sa Baboy na magnilay-nilay sa mga nakaraan niyang plano at pangarap.
Matapos mong pag-aralan kung natupad mo ba o hindi ang iyong mga binalak noong nakaraang taong 2018, makabubuting ‘yung mga hindi mo natupad ay balangkasin mong muli kung ano ang mga nararapat na hakbang upang ngayong 2019 ay higit na mas maging epektibo ang iyong ipatutupad na pagkilos.
Samantala, ‘yung mga plano at ambisyon mong natupad ay ituloy mo lang ang dating diskarteng ginawa mo at hindi inirerekomendang magbago ka ng aksiyon. Sa halip, kung ano ang dati mong paraan, ‘yun na lang muna ang mas dapat mong pairalin.
Sa ganyang diskarte, hindi ka pabagu-bago ng paraan, hindi ka gaanong nagmamadali at nanggigigil sa iyong mga plano at pangarap sa buhay higit na mas magiging produktibo ang iyong kapalaran ngayong 2019.
Dagdag pa rito, ang ikinaganda ng taong ito para sa mga isinilang sa Taon ng mga Baboy tulad mo, kung noong nakaraang taong 2018, Year of the Dog ay hindi masyadong naging produktibo ang buhay mo at hindi ka naging masaya, umasa kang ang kalungkutan at pagtamlay ng career mo noong nakaraang taong 2018 ay kaagad na lilipas at mabubura upang ngayong taon basta palagi ka lang magiging maingat, ang lahat ng mga biyaya at ligayang ipinapangako ng iyong kapalaran ay tuluyan ng mapasasaiyo.
Gayunman, dahil nga gaganda na nang husto ang magiging ani mo ngayong 2019, sa pag-ibig, pakikipagrelasyon at maging sa materyal na bagay, umasa kang maraming hindi tapat na mga kaibigan ang makikisawsaw sa iyong tagumpay at kaligayahan kung saan ito ang dapat mong ingatan.
Ibig sabihin, dapat kang maging mapanuri, kung sino ba ang tunay at tapat mong mga nakasasama upang hindi ka mapagsamantalahan.
Samantala, kahit na sabihin pang may mga taong lihim at lantarang maiinggit sa iyo, magtatangkang mandaya at magsamantala sa iyong kabaitan, sa pangkalahatan ay hindi pa rin sila makapananaig nang husto dahil ang langit ay malaon ng nagpasya na dahil sa taglay mong kabutihang-loob, pagiging maawain at matulungin sa iyong kapwa, ang mga positibong katangian mong ito, ang poprotekta sa iyo at magdadala ng dagdag pang kasaganahan, tagumpay at ligaya ngayong 2019.




Comments