Pangangampanya gamit ang social media, bantayan!


MAINGAY, makulay at minsan madugo. Ito ang mukha ng halalan sa bansa.
Mas nagiging maingay dahil sa social media.
Bukod sa telebisyon, sa Facebook ang kapit ng mga nag-aambisyon sa puwesto.
Lalo na ngayon na ayon sa ulat, Pinoy ang pinakababad sa internet sa kabila ng napakabagal na koneksiyon.
Lalaki, babae, bata, matanda, halos lahat ay may FB account at hindi lumilipas ang araw nang hindi nakasasagap ng latest sa politics, showbiz at lalo na sa buhay ng kapitbahay.
Sila ang target ng mga kandidato. Lahat ng gimik na puwedeng mag-viral para makahirit ng boto ay kanilang ginagawa. Kaya naglabas ang Comelec ng pamantayan para rito sa pamamagitan ng Resolution No. 10488.
Sa ilalim nito, dapat nang isama ng mga kandidato sa kanilang listahan ng mga gastusin sa pangagampanya o statement of campaign contributions and expenditures (SOCE) ang mga nagastos sa pangangampanya sa social media.
Dapat irehistro sa Comelec ang mga official social media account ng mga kandidato para matiyak na hindi lalampas ang mga ito sa limitasyon ng maaaring gastusin sa pangangampanya.
Matatandaang, para sa mga kakandidato sa national position na tumatakbo sa ilalim ng isang partido, maaaring gumastos ang kandidato ng P3 kada rehistradong botante.
Para naman sa mga independent candidate at partylist representative, P5 kada botante ang maaari nilang gastusin.
Ang mga hindi magbibigay ng kanilang SOCE ay maaaring patawan ng perpetual disqualification kung saan hindi na sila maaaring tumakbo sa mga susunod na halalan.
Puwede rin silang makulong mula1 hanggang 6 taon.
At magsisimula ang isa na namang maingay at makulay na kampanya ngayong Pebrero 12, 2019.





Comments