Pagbibiro tungkol sa bomba, ‘di funny!
- BULGAR

- Feb 5, 2019
- 2 min read
KAHIT wala namang sinasabi ang mga pulis na may matinding terror threat sa Kamaynilaan matapos ang twin bombing sa cathedral sa Jolo, Sulu na sinundan din ng pagsabog sa Zamboanga, hindi naman masama kung maging alerto at magdoble-ingat tayo kapag lumalabas ng bahay.
Please lang din, sundin natin ‘yung mga alituntunin na ipinatutupad sa major facilities tulad sa mga paliparan, pantalan, MRT at LRT stations. Huwag nating gawing biro ang tungkol sa bomba dahil kasong kriminal ‘yan. Ibig sabihin, aarestuhin ang sinumang mag-bomb joke at bukod sa multa ay may parusa pang pagkakakulong.
‘Di ba, meron na namang pasaway ang nagpa-cute sa istasyon ng MRT last week? Isipin ninyo, nagbiro itong may bomba raw siya habang dumaraan sa metal detector. Akala niya siguro matatawa sa kanya ang sekyu na nasa harapan niya. Hayun, inaresto at dinala siya sa Makati City police kung saan doon siya sasampahan ng paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke.
Sa ganitong sitwasyon na masyadong sensitibo ang mga awtoridad dahil kaligtasan ng publiko ang isinasaalang-alang, wala talagang puwang ang pagbibiro (kahit walang threat, hindi ito dapat gawing biro) dahil hindi talaga funny ang ganitong uri ng joke. Nakaaalarma ito at maaaring magdulot ng panic.
Isa pa, matapat sana nating sundin ‘yung babala na bawal magdala ng liquid items tulad ng bottled water sa loob ng tren ng MRT at LRT. Kaya huwag nang ipilit kung may dalang tubig o anumang inumin na ipasok ang mga ito dahil ayon sa PNP, may liquid items na maaaring magdulot ng panganib sa mga pasahero.
Huwag tayo agad-agad magpasa ng mga impormasyon, text, post sa Facebook o anumang social media, na tila nagkakalat ng maling impormasyon at nananakot pa. Hangga’t walang beripikasyon sa pulisya, hindi dapat paniwalaan at huwag nang maging source ng fake news.
Pero higit sa lahat, huwag tayong maging kampante. Kailangang malikot ang isipan natin kung tayo ay nasa biyahe, matyagan ang paligid at kung may nakitang kahina-hinala, huwag mag-atubiling sabihan ang pulisya.





Comments