Malinaw ayon sa palad... LALAKING NAKATAKDANG UMUNLAD KUNG MAGIGING MATALINO SA PAGGASTOS
- BULGAR

- Feb 4, 2019
- 2 min read

KATANUNGAN
Grabe ang naging buhay ko, Maestro, dahil mahigit pitong taon akong nangibang-bansa, pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari sa buhay naming mag-asawa. Minsan tuloy, naiisip kong hindi bagay sa akin ang pag-a-abroad, sa halip, mas maganda siguro kung magnenegosyo na lang kami, nang sa gayun, hindi na ako malalayo pa sa aking pamilya.
Maestro, nais kong malaman kung saan ako higit na papalarin, sa pagnenegosyo o pag-a-abroad?
Kung sa pagnenegosyo, ano ang bagay sa akin upang umunlad ang aming kabuhayan at yumaman?
KASAGUTAN
Walang mali kung mag-a-abroad kang muli o kaya ay mas pipiliin mong magnegosyo na lang, sa halip, ang problema ay ‘yung tanong na “paano ba hahawakan nang tama ang pera”?
‘Yan ang problema ninyong mag-asawa sa kasalukuyan. Kung paano ninyo paiiralin ang mahusay na pagba-budget ng salaping nahahawakan ng pamilya.
Sa madaling salita, pitong hindi kayo mahusay mag-budget.
Kaya masasabing ito talaga ang dahilan kung bakit kahit sinabi mong mahigit pitong taon ka na sa abroad ay sa wala pa rin napupunta ang lahat ng salaping iyong pinaghirapang kitain.
Nahulog sa pagitan ng daliring hintuturo at hinlalato ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na mahihirapan ka ngang makaipon sapagkat likas na bulagsak ka. Kaya kung ganyan din ang Fate Line ni misis (arrow a.), tulad ng nasabi na, hindi pag-a-abroad at hindi rin pagnenegosyo ang problema kung bakit hindi kayo umuunlad o yumayaman, sa halip, ang tunay na problema ay kung sino ang dapat humawak at mag-budget ng pera ninyo.
Ibig sabihin, hanapin mo sa inyong mga anak ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan nilang mga palad at dapat ito ay pumirmi sa bundok ng Saturn (arrow b.). Kapag may nakita kang ganito, siya ang anak mong magaling humawak ng pera at kung sa kanya mo ipahahawak ang iyong kikitain sa abroad o kung halimbawang makapagbukas kayo ng negosyo ay siya ang mamamahala, mas madaling lalago ang inyong kabuhayan at maiiwasan nang muling masimot ang iyong kinikita sa pag-a-abroad o sa pagnenegosyo.
MGA DAPAT GAWIN
Sabi ng Amerikanong bilyunaryong si Warren Buffet, isa sa pinakamayamang tao sa buong mundo, “Don’t save what is left after spending; spend what is left after saving.”
Sa Tagalog, “huwag mong itabi ang perang natira sa iyong mga ginastos, sa halip, magtabi ka muna bago ka gumastos”.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Marvin, mag-abroad kang muli, pero sa susunod ay tiyakin mong sinisinop na ni misis ang bawat remittance na ipadadala mo sa iyong pamilya.
Sapagkat sa sandaling nahawakan ng tamang kamay o kung sinumang magaling mag-budget sa inyong pamilya ang salaping ipinadadala mo mula sa ibang bansa, sa ganu’ng paraan lamang magsisimulang umunlad, sumagana hanggang sa tuluy-tuloy nang yumaman ang inyong pamilya.



Comments