Babala ni Maestro para iwas-disgrasya... MGA KATANGIAN AT UGALI NG MGA IPINANGANAK SA YEAR OF THE PI
- BULGAR

- Feb 4, 2019
- 2 min read

SA pagkakataong ito, sa pagpapatuloy ng espesyal na isyu para sa Year of the Pig ngayong Chinese New Year, aalamin natin ngayon ang mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ngayong 2019 ng mga indibidwal na isinilang sa animal sign na Pig.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Pig, kung isinilang ka sa mga taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019.
Tulad ng naipaliwanag na nitong mga nagdaang araw, ang Year of the Pig ay naiimpluwensiyahan ng planetang Mars at sa Western Astrology, ito ay kumakatawan sa zodiac sign na Scorpio, kaya ngayong 2019, walang duda, ang mga taong isinilang sa zodiac sign na Scorpio, gayundin ang mga taong ka-compatible ng Scorpio tulad ng Pisces at Cancer, Taurus at Virgo ay siguradong magtatamo ng maraming suwerte at magagandang kapalaran sa buong taon.
Sinasabing kung ikaw ay Year of the Pig na isinilang sa panahon ng tag-araw, may tendency na malulong ka sa mga bisyo, sa katakawan at sa ibang layaw ng katawan, kumbaga, maaaring mawalan ka ng disiplina at kontrol sa iyong sarili, kaya may tendency na maranasan mo ang lahat ng uri ng “excess” na nangangahulugang aabusuhin mo ang iyong sarili at katawan sa maraming mga bagay.
Kung ikaw naman ay isinilang sa panahon ng taglamig, maraming magagandang kapalaran ang inireserba sa iyo ng langit, ngunit, dahil sa iyong bahagyang katamaran at kabagalan, ‘yung mga magagandang oportunidad na dapat sana ay inilaan para sa iyo ay maaaring makalagpas pa, kaya sa bawat oportunidad na dumarating sa iyong buhay, dapat ay sunggaban mo ito kaagad.
Sabi nga, “nice guys finish last, and the Chinese calendar ends with the sign of the Boar”, ibig sabihin, dahil ang Year of the Pig ang pinakahuling taon sa 12 Chinese animal signs, siguradong ang indibidwal na napabibilang dito ay mahusay, tapat, simple at matikas.
Bukod pa sa masayang kasama at natural ang ugali, sinasabing may pagka-happy-go-lucky din ang mga Year of the Pig, kaya kapag hindi natutong mag-ipon ay maaaring mawala ang magandang kapalaran.
Dagdag pa rito, sinasabi ring mga popular at kinikilala sa lipunang kanilang ginagalawan ang mga Year of the Pig, gayundin, likas silang palabiro at masayang kasama, dahil du’n, madalas silang naloloko at napapahamak.
Kaya kung napabibilang ka sa Year of the Pig, dapat ingatan mo rin ang iyong sarili sa mga “excess” ng buhay upang hindi ka mapahamak at siyempre, kailangang matuto ka ring makiramdam para hindi ka samantalahin ng iyong mga kaibigan at mga nakakasama.
(Itutuloy)



Comments