top of page

1935, 1947,1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019 | KAPALARAN NG MGA IPINANGANAK SA YEAR OF THE PIG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 3, 2019
  • 2 min read

NGAYONG 2019, tulad ng naipaliwanag na nitong nagdaang mga araw, ayon sa Chinese Astrology, iiral ang impluwensiya ng animal sign na Pig o Boar, na ang ibig sabihin ay Taon ng Bulugang Baboy.

Ang pag-iral ng Bulugang Baboy ngayong 2019 ay saktong magsisimula sa ika-5 ng Pebrero 2019 hanggang sa ika-24 ng Enero 2020.

Ibig sabihin, hindi pa umiiral ang impluwensiya ng animal sign na Pig nitong nakaraang buwan ng Enero, sa halip, ang animal sign na Dog pa rin ang umiiral nitong nakaraang buwan kaya kung anuman ang hindi magandang pangyayari na naganap sa inyong buhay lalo na sa mga taong isinilang ng Year of the Pig nitong buwan ng Enero ay masasabing sanhi pa rin ito ng impluwensiya ng animal sign na Dog na siyang animal sign noong nakaraang taong 2018.

Samantala, sinu-sino ba ang mga indibidwal na isinilang sa animal sign na Pig?

Ikaw ay mapabibilang sa Year of the Pig, kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019.

Tulad ng naipaliwanag na, nitong nagdaang mga araw, ang Pig ang kahuli-hulihang dumating sa palasyo ni Lord Buddha, kaya siya ang na-assign bilang ikalabindalawa.

Sinasabing huli na nang dumating ang Baboy dahil mataba at mabigat ang kanyang katawan. May nagsasabi ring kaya nahuling dumating ang Baboy sa palasyo ni Lord Buddha dahil siya ay nakatulog sa pansitan.

Ibig sabihin, may pagkatamad ang mga taong isinilang sa animal sign na Pig at may nagpapalagay ding kaya huli nang dumating ang Baboy dahil sinira ng “wolf” o asong gubat ang kanyang bahay, kaya ito ay ginawa muna niya bago siya naglakbay.

Anuman ang katotohanan, isa lang ang tiyak, kahit huli na nang dumating ang Baboy sa pagtawag ni Lord Buddha, hindi maitatangging taglay niya ang likas na suwerte at ang mga pagpapalang may kaugnayan sa kasaganahan ng buhay na tanging sa kanya lamang ipinagkaloob ng langit.

Nangyaring ganu’n dahil sinisimbolo niya ang “wealth” o “kayamanan” habang ang malusog namang hugis ng kanyang pagmumukha at malaking tabas ng tainga ay sumisimbolo ng “magandang kapalaran, kakaibang suwerte at kasaganahan.”

Dagdag pa rito, para sa mga mangangalakal, tunay ngang magiging masagana at mabunga ngayong buong taong ng 2019 dahil bukod sa Year of the Pig, nagkataon pang ang elementong taglay ng Pig ngayong taon ay elementong earth o lupa, kaya lahat ng produktong itinatanim sa lupa at mga kalakal na may kaugnayan sa lupa ay siguradong uunlad, aasenso at magiging masagana.

Mapalad ang kulay yellow, gray at brown para sa mga taong isinilang sa Year of the Pig, gayundin ngayong 2019.

Ang 2, 5, 6 at 8 naman ang mapapalad na bilang habang suwerte ang direksiyong southeast at east, gayundin ang direksiyong northeast para sa materyal na bagay at upang suwertehin sa pag-ibig, buwenas ang direksiyong north o hilaga.

Habang magiging favorable naman ang mga petsang 2, 7, 9, 10 at 11 sa bawat buwan ng 2019.

(Itutuloy)

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page