Sa kaliwa't kanang kaguluhan, saan matatagpuan ang kapayapaan?
- BULGAR

- Feb 2, 2019
- 2 min read
TUNAY ba ang kapayapaan? Ito ang ginamit na slogan ng isang samahan nang nagsunud-sunod ang karahasan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan noong mga nakaaang dekada.
Magkasunod na pambobomba ang gumimbal sa Jolo at Zamboanga City noong nakaraang Linggo at Miyerkules. Sumabog ang dalawang bomba habang nagsisimba ang mga Katoliko sa Cathedral ng Our Lady of Mount Carmel at isang bomba, habang sumasamba ang ilang mga Muslim sa maliit na mosque sa Barangay Talon-talon. Hindi nagtapos ang kuwento ng karahasan sa Mindanao, tumuloy ito sa Quezon City kung saan pinaslang ang barangay captain at ang drayber nito. Kandidato sa Kongreso si Barangay Captain Crisel “Beng” Beltran. Pinatay ito at ang kanyang drayber na si Melchor Salita sa J.P. Rizal St. sa Bagong Silangan Village. Nang kunan ng reaksiyon ang kandidato sa pagka-mayor, mabilis itong tumugon na “politically motivated” daw ang pagpaslang. Hindi malayo at posible ito dahil nalalapit na ang eleksiyon sa ika-13 ng Mayo ngayong taong ito. Subalit, napakaagang sabihin ito nang walang anumang imbestigasyong naisasagawa.
Karahasan sa Mindanao at Kamaynilaan. Nasaan ang kapayapaan — ang kapayapaang lubhang mailap?
Madugong nagsimula ang kasalukuyang administrasyon mula sa sari-saring sektor ng lipunan tulad ng mga maralitang tagalungsod, mayor at vice-mayor, pari, abogado, guro, kabataan at marami pang iba na hindi na naiulat sa balita. Tunay na napakailap ng kapayapaan. Hindi kataka-takang itanong ng grupo noong araw, “tunay ba ang kapayapaan?
Sa mga nagdaang araw, tuwing sumasakay tayo ng taksi, hindi maiwasang pag-usapan ang mga nangyayari sa ating lipunan ngayon. Nakalulungkot pakinggan ang madalas na bukambibig ng maraming taksi drayber, “sa tingin ba ninyo, may pag-asa pa ba ang ating bansa?
Ito marahil ang malungkot na bunga ng mga karahasan at patayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nakapanlulumo ang karahasan, lalo na kung may mga namamatay at walang katarungang nakakamit. Ilan na ang pinatay na pinaghihinalaang adik at pusher? Hanggang ngayon napakabagal ng katarungan. Kay dami nang namatay, iisa pa lamang grupo ang nakulong at napan. Bakit kaya mabagal ang gulong ng katarungan pagdating sa mga pumapatay ng mga adik at pusher?
Bakit napakaraming mamamayan ang pinapatay at pinalalabas na nanlaban? Bakit kakaunti ang malalaking “drug lord” na nahuhuli at nakukulong?
Kung ganito kailap ang naturang problema at salot ng droga, tila mas mailap ang kapayapaan. Marami na tayong nakausap na mga retiradong opisyal ng pamahalaan. Napakarami sa kanila ang nagsasabing, nakalulungkot ang giyera dahil kung tutuusin ay napakadaling tapusin at wakasan ito ngunit, hindi natatapos ang giyera dahil maraming may gusto nito — gustung-gusto ang tunog ng mga bomba, machine gun, granada at iba pa. Gayunman, may pag-asa, sa kabila ng lungkot, karahasan at kamatayan tuloy pa rin ang paghingi ng kagalakan. Hindi papayag ang mga Pinoy na isuko na lang ang liwanag ng pag-asa sa kadiliman. Sa totoo lang, sa kailalim-laliman ng puso, naroroon ang tunay na kapayapaan ng pag-asa.





Comments