Ibang sasakyan, bawal | LANE PARA LANG SA MGA MOTOR SA EDSA
- Gina Pleñago
- Feb 1, 2019
- 1 min read

TARGET ng Metropolitan Manila Development Authority ang paglalagay ng eksklusibong motorcycle lanes sa EDSA oras na matuloy ang panukalang road diet.
Sa ilalim ng road diet proposal, babawasan ang lapad ng mga lane sa EDSA ng hanggang tatlong metro para magkaroon ng bagong lane para sa mga motorsiklo.
Sa ngayon, may lima hanggang anim na lanes ang EDSA na may average na 3.5 hanggang 3.7 metrong lapad kada lane.
“Kahit pa liitan natin ang daan, ligtas pa rin ito sa mga motorista,” ani MMDA General Manager Jojo Garcia matapos ang Metro Manila Council meeting.
Aniya, ikinokonsidera ng ahensiya na gawing exclusive motorcycle lane ang bagong lane, katabi ng yellow lanes na para naman sa public utility buses.
Ang existing motorcycle lane o blue lane sa EDSA ay hindi eksklusibo para sa mga rider at maaaring gamitin ng mga pribadong sasakyan.
Sa MMC meeting, inaprubahan ng mga alkalde ng Metro Manila ang resolusyon para pag-aralan ang planong road diet.
Inatasan ang MMDA na magsagawa ng traffic evaluation studies para malaman ang tamang bilis para sa panukalang 3.05 metrong lanes.
Base sa pag-aaral ng Department of Public Works and Highways, maaaring paliitin ang lanes sa 3.05 metro.
Sa ilalim ng plano, magkakaroon ng segregation sa EDSA: Dalawang lanes na eksklusibo sa mga pampasaherong bus, isang lane sa mga motorsiklo at tatlo para sa mga pribadong sasakyan.
Ikinokonsidera rin para sa bagong lane ang mas malawak na sidewalk, pedestrian islands, crossways, bike lanes at green space.








Comments