Para sa mga palaging nakatoka sa hugasin diyan... PAGHUHUGAS NG PLATO, EPEKTIB NA PANLABAN SA STRESS
- BULGAR

- Jan 31, 2019
- 2 min read

MARAMING may ayaw sa paghuhugas ng pinggan dahil bukod sa marami ito, eh, maya’t maya pang may dumaragdag. Ha-ha-ha! Kaloka! Pero, baka kapag nabasa ninyo ito, eh, agawan n‘yo pa si bunso ng hugasin dahil ayon sa pag-aaral, ang paghuhugas ng pinggan ay nakatatanggal umano ng stress. Weh, ‘di nga?
Napatunayan ito nang isagawa ng mga researcher mula sa Florida State University ang pag-aaral kung saan sinuri ng mga ito ang koneksiyon ng paghuhugas ng pinggan sa pagpapababa ng lebel ng stress at anxiety.
Para maisagawa ang pag-aaral, bumuo ng 51 college students ang mga researcher at hinati ito sa dalawang grupo at naghugas ng pinggan ang mga kalahok.
Bago tuluyang simulan ng mga kalahok ang gawain, ang unang grupo ay inatasang magbasa ng descriptive passage tungkol sa paghuhugas ng pinggan habang ang kabilang grupo ay pinagbasa ng mindful passage tungkol dito.
Matapos maghugas ng pinggan, sinuri at ipinagkumpara ng mga researcher ang state of mindfulness o pagiging conscious ng mga kalahok mula sa magkabilang grupo.
Gayunman, ang grupo na nagbasa ng descriptive passage ay ang mga kalahok na nagbigay ng atensiyon sa paggawa ng gawain kung saan nagpokus ang mga ito sa amoy ng sabon, temperatura ng tubig at kanilang nararamdaman habang naghuhugas ng pinggan.
Matapos isagawa ang gawain, ang mga kalahok ay nagkaroon ng positibong pag-iisip. Tumaas umano ng 25 porsiyento ang kanilang positibong pag-iisip habang 27 porsiyento ang ibinaba ng kanilang nervousness o pagiging kabado.
Samantala, ang kabilang grupo ay hindi nakaranas ng anumang pagbabago kumpara sa unang grupo.
Ayon sa mga researcher, ang pagbibigay ng atensiyon sa mga gawain, partikular sa paghuhugas ng pinggan ay nagiging dahilan para maging “occupied” ang kanilang isipan ng ibang bagay na hindi konektado sa past o pagpaplano sa future.
Ayon sa mga researcher, ang “mindful dishwashing” ay nakae-enhance ng psychological well-being at nakababawas ng stress ng indibidwal.
Ngayong alam na ninyo ang benepisyo na makukuha ninyo mula sa paghuhugas ng pinggan, huwag na kayong magturuan pagkatapos kumain, ha? Magandang gawin ito dahil bukod sa nakatulong ka na sa gawaing-bahay, natanggal pa ang stress mo.
Gets mo?




Comments