PIER, PATATATAGIN ANG LIDERATO, BEERMEN, BABAWIAN ANG BOLTS

PUNTIRYA ng North Port Batang Pier ang pangatlong panalo at somosyo sa pamumuno sa kapwa undefeated Phoenix Fuel Masters kontra Columbian Dyip ngayon sa Philippine Cup sa pangalawang out-of-town sa muling pagbabalik sa Ynares Center sa Antipolo.
Sasagupain ng Batang Pier and Car Makers sa unang laro ng 4:30 p.m. na susundan ng salpukan ng defending champion San Miguel Beermen kontra Meralco Bolts ng 7 p.m. at target ng Beermen ang 2nd win sa tatlong laro.
Mataas ang morale ng Batang Pier sa dalawang sunod na panalo at tiyak gagamitin nila ang momentum upang talunin ang Car Makers na mababa ang morale at fighting spirit sa pagkatalo sa Pulse.
Magiging exciting at interesting ang laro ng North Port at Columbian Dyip tampok ang labanan nina Stanley Pringle at celebrated rookie CJ Perez na maghaharap sa unang pagkakataon, ‘youth versus experience’ ika nga.
Sinabi ni coach Pido Jarencio na hindi puwedeng balewalain ang kakayahan ng Columbian Dyip na lumakas sa pagpasok ni Perez na tumatayo bilang bagong leader at sparkplug ng team sa opensa at depensa. “We will play our best out there to ensure victory because Columbian Dyip is not an easy prey. We have to play as a team and pull our resources together throughout the game,” sabi ni Jarencio. “Tinalo ng Columbian Dyip ang pinakamalakas na team sa liga ang San Miguel Beer. Naghirap at ginamit lahat ang lakas ng Phoenix bago nanalo sa Columbian Dyip. Sa madaling sabi hindi puwedeng biruin na kayang baligtarin ang lamesa sa kanilang pabor,” wika ni Jarencio.
Kasama ni Pringle sina Sean Anthony, Ryan Arana, Paolo Taha, Bradwyn Guinto, Jonathan Grey, Joseph Angelo Gabayni, Moala Tautuaa, Garbo Lanete at rookie Robert Bolick. Nakahandang tumulong kay Perez sina Reden Celda, JP Calvo, Rashawn McCarthy, Jeremy King , Russell Escoto at babantayan nina big men Eric Camson, Jay-R Reyes at Philip Andreas Cahilig ang shaded lane para hindi maka-penetrate ang Batang Pier.
Lamang ang SMB dahil naroon ang twin towers na sina five-time MVP June Mar Fajardo at Filipino-German Christian Standhardinger na mangunguna sa low post para sa opensiba.





Comments