top of page
Pokwang.jpg

Malinaw ayon sa palad... KASAMBAHAY NA NAKATAKDANG MAKATAGPO NG MAS MAGANDANG HANAPBUHAY

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 25, 2019
2 min read

KATANUNGAN

  1. Ako ay katulong, ang amo kong lalaki ay nasa abroad habang kami ng amo kong babae ang naiwan dito sa bahay at ang anak nilang three years old na babae.

  2. Ang problema, may lihim na karelasyon ang amo kong babae at kapag nalaman ito ng aking among lalaki, tiyak na malaking gulo ito.

  3. Sa totoo lang, naaawa ako sa amo kong lalaki dahil nagtitiis at nagsisikap siya sa abroad para sa kanyang pamilya pagkatapos ay lolokohin lang siya ni ate.

  4. Sa ngayon, balak kong isumbong ang amo kong babae, kaya lang nagdadalawang-isip ako at natatakot.

  5. Kung hindi ko naman siya isusumbong, baka ako ang sisihin ni sir kapag na- laman niyang may lalaki ang misis niya, tapos, hindi ko sa kanya isinumbong.

  6. Nalilito tuloy ako kung ano ang gagawin ko, balak ko nang umalis dito at lumipat ng ibang trabaho para hindi ako madamay sa gulo nila.

  7. Tama ba ang pasya ko?

KASAGUTAN

  1. Tama ang iyong pasya, hindi ka dapat makialam sa personal na problema ng mag-asawa lalo pa at mga amo mo sila dahil sa bandang huli, baka ikaw pa ang masisi at malintikan kapag nakialam ka.

  2. Isipin mo kung isusumbong mo ang amo mong babae, kapag nalaman niya na ikaw ang nagsumbong sa mister niya, siguradong yari ka!

  3. Kapag naman hindi mo isinumbong ang amo mong babae sa ginagawa niyang panlalalaki at nalaman ng amo mong lalaki na may alam ka pala sa mga nangyayari, malamang na isa ka sa mga sisisihin niya.

  4. Kaya ang mas tama ay ang una mong naisip na desisyon kung saan bago pa mahuli ang lahat ay umalis ka na sa kasalukuyan mong amo na siyang nais sabihin ng nagbagong linya na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.), pero hindi naputol o huminto (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Ibig sabihin, dahil sa sitwasyong hindi inaasahan na biglang dumating sa iyong buhay, may pagbabago sa iyong pasya at sa iyong trabaho na sa bandang huli, mula sa dati at okay na trabaho, lalo pang bubuti at gaganda ang iyong hanapbuhay at tulad ng nasabi na, ang pagbabagong ito ay magaganap sa edad mong 38 pataas.

DAPAT GAWIN Habang, ayon sa iyong mga datos, Mariane, hindi mo dapat pakialaman ang problema ng iyong mga amo, sa halip, ang isipin mo ay kung paano mo mapagaganda ang iyong trabaho, kinikita at ang sarili mong buhay. Kaya tama ang iyong pasya, maghanap ka ng ibang trabaho at makikita mo ngayong 2019, sa buwan ng Marso, makatatagpo ka ng bagong trabaho na mas payapa at masaya habang tuluy-tuloy na umuunlad ang iyong kabuhayan hanggang sa makabuo ka na ng sarili mong pamilya na panghabambuhay (Drawing A. at B 1-M arrow c.).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page