Bago pa kalakihan ang pagpatay, pagnanakaw o iligal na droga | Edad 9 na sangkot sa krimen, isalba!
- BULGAR

- Jan 22, 2019
- 2 min read
APRUB na sa komite sa Kamara ang panukalang-batas hinggil sa pagpapababa ng age of criminal liability kung saan mula sa kasalukuyang edad na 15 ay ibinaba sa siyam ang edad ng mga batang maaaring makulong sakaling makagawa sila ng bagay na may pananagutan sa batas.
Matatandaang, noong nakaraang taon ay sunud-sunod ang kaso hinggil sa pagpatay, pagnanakaw, droga at marami pang iba na kinasangkutan ng mga menor-de-edad kung saan umabot ito ng higit sa 5,000.
Gayunman, ayon kay Oriental Mindoro Rep. Salvador “Doy” Leachon, ginawa umano ng Kongreso ang nasabing batas upang mapangalagaan ang mga bata base sa 1987 Constitution.
Sa totoo lang, marami pa rin ang nagsasabi na kung kaya pang idaan sa tamang disiplina ang mga batang naligaw ng landas ay gawin, pero kung ating oobserbahan kahit anong pagdidisplina ng kanilang mga magulang kung talagang naimpluwensiyahan na ang kanilang mga anak ng masasama ang loob, marahil, kailangan na talagang aksiyunan ito ng mga kinauukulan at gumamit na ng legal na pamamaraan.
Dagdag pa rito, makatutulong din ang nasabing batas laban sa mga sindikato na gumagamit ng mga bata para sa kanilang mga iligal na aktibidad.
Base umano sa mga imbestigasyon, karamihan sa mga sindikato ay gumagamit ng mga bata dahil alam nilang ligtas ang mga ito sa criminal liability kung sakaling mahuhuli ng kapulisan.
Sa ngayon, marami ang sumasang-ayon, ngunit, nasa gobyerno pa rin kung tuloy na tuloy na ang pagpapatupad nito.
Hiling natin na sana ay maging maayos ang pagdinig na gagawin sa Senado ngayong araw upang hangga’t maaga pa, eh, masolusyunan na ang problema hinggil sa mga kabataan na sinasabing “pag-asa ng bayan”!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments