Ayon sa mga dalubhasa... PAGKAIN NG MUNGGO, NAKAKAPAYAT!
- BULGAR

- Jan 22, 2019
- 2 min read

TUWING Biyernes, bidang-bida ang munggo, ‘yung kahit hindi mo na tanungin sina mama at papa kung ano ang ulam, eh, alam mo na kaagad. Ha-ha-ha! Minsan nga, nakasasawa na. Char! Pero, alam ba ninyo na bukod sa masustansiya ang munggo, eh, nakapapayat pa ito? Wow!
Ang mung beans o munggo ay maliit, kulay berde at kabilang sa legume family. Ito ay madalas na inuulam tuwing Biyernes dahil ayon sa ating mga ninuno, nakasanayan na umano ng mga Katoliko noon na hindi kumain ng karne tuwing Biyernes kung saan ito ang naisipan nilang ipamalit du’n, kaya mula noon hanggang ngayon, eh, ‘yun na ang naging tradisyon natin.
Nakabibilib dahil ilang taon na ang nakalilipas, pero nanatili pa rin ang nakasanayang ito sa ating lahat. Gayunman, na-cultivate ang munggo beans noong ancient times kung saan mula sa India ay naipakalat din ito sa China at sa ibang bahagi ng Southeast Asia.
Gayunman, hindi ito naging popular sa U.S., pero nabibili ito sa mga pamilihan kung saan naroon ang masusustansiyang pagkain.
Sa katunayan, madali lang magtanim ng munggo beans dahil ang kakailanganin mo lang, eh, paso, lupa at munggo beans, kaya nga marahil, ito palagi ang ginagawang project para sa mga bata. He-he-he!
Ito rin umano ay mataas sa nutrients at nakagagaling ng iba’t ibang klase ng sakit. Ang munggo beans ay mayaman sa vitamins, mineral, protein, antioxidants, amino acids at fiber, ngunit, mababa ito sa calories.
Maliban pa rito, ang munggo ay nakare-reduce ng chronic diseases tulad ng heart disease, diabetes at iba’t ibang uri ng kanser. Ang antioxidants na mayroon ang munggo ay tinatawag na vitexin at isovitexin na nakapoprotekta sa pagkakaroon ng heat stroke.
Dagdag pa rito, ito rin umano ay mayaman sa potassium, magnesium na nakapagpapababa ng lebel ng blood pressure. Mainam din ito sa tiyan dahil sa tinataglay nitong soluble fiber at resistant starch na nakapo-promote ng digestive health.
Samantala, kung bet na ninyong magpapayat ngayong taon, epektibo ang munggo beans para mabawasan ang inyong timbang lalo na kung isasama n’yo ito sa inyong diet meal, oh, ‘di ba, bongga?
Subalit, kung may allergy kayo sa legume o ‘yung mga pagkain tulad ng munggo, mani, soya at iba pa, malas ninyo dahil hindi talaga kayo puwede rito. ‘Yun lang, sad life! Hu-hu-hu!
Oh, ayan, hindi lang pala tuwing Biyernes puwedeng kainin ang munggo, besh!
Kung trip natin everyday, bakit hindi? Wala namang pipigil, ‘di ba? Basta make sure lang na balanse ang nai-intake natin, araw-araw para maging healthy tayo.
Okay?





Comments