Babala sa madalas sumasakit ang ulo!

Dear Doc. Shane,
Ako ay 40 years old at madalas akong makaramdam ng pananakit ng ulo. Umiinom ako ng gamot para rito ngunit, tila hindi ito tumatalab. Nag-aalala ako dahil napapadalas na ang pag-absent ko sa trabaho. Isa pang bagay na ikinabahala ko, may nakapagsabi sa akin na baka ito raw ay brain tumor. Maaari ba ninyong talakayin kung anu-ano ang mga sintomas ng tumor sa utak at kung nakamamatay ba ito? — Leo
Sagot
Ang tumor ay limpak ng tissues na nabubuo kapag naiipon ang abnormal na mga selula. Sa normal na kalagayan, ang mga selula ay namamatay at napapalitan ng mga bagong selula habang tayo ay nagkakaedad. Kung may kanser o tumor, hindi namamatay ang mga selula. Ang mga selula ng tumor ay lumalaki at dumarami kahit hindi ito kailangan ng katawan at hindi tulad ng normal na matatandang selula, ang mga selula ng tumor ay hindi namamatay.
Pagkakaiba ng benign at malignant na tumor: Ang tumor sa utak na benign ay hindi cancerous. Ang mga tumor sa utak na malignant ay mga kanser at nagmumula sa utak. Ito ay lumalaki ng mas mabilis at agresibo sa paghawa sa mga nakapalibot na mga tissue.
Gayundin, operasyon ang pangunahing paraan para mawala ang tumor sa utak subalit. may mga tumor na hindi maaaring operahan dahil ito ay matatagpuan sa bahagi ng utak na hindi maaaring magalaw. Sa mga pagkakataon na hindi maooperahan ang tumor, gagamit ang mga doktor ng chemotherapy o radiation therapy para paliitin ang tumor.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng tumor sa utak:
Pangingisay
Pagbabago ng pagsasalita at pandinig
Pagbabago ng paningin
Problema sa paglakad
Pamamanhid ng mga kamay at paa
Pagbabago sa pag-uugali
Kawalan ng pokus
Panghihina ng ilang bahagi ng katawan
Tandaan na ang mga sintomas na ito ay maaaring bunga ng maraming mga posibilidad. Huwag isiping may tumor agad sa utak dahil lamang sa ating nararanasan ang ilan sa mga sintomas na ito. Ang pinakamabuting gawin ay magpakonsulta agad sa doktor, lalo na kapag patindi nang patindi ang sakit ng ulo.





Comments