top of page

Nakakita ng kaluluwa ng babaeng umiiyak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 18, 2019
  • 2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Lhyn ng Lhyn_Lhet@ facebook.com

Dear Professor,

Nanaginip ako na na­kikita ko raw ‘yung kalu­luwa ng namatay na babae, tapos umiiyak siya dahil nakikita niya ang kanyang asawa na palaging umiinom ng alak at may baby sila. Hindi ko kilala ‘yung babae sa panaginip ko. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Lhyn

Sa iyo Lhyn,

Mahirap talaga sa babae ang mag-asawa nang wala sa lugar. Kaya lang ngayon dahil sa pag-ibig kahit bawal pa ay nag-aasawa na ang kababaihan.

Lalong mas mahirap ang kalagayan ng nakapag-asawa ng lasenggo tulad ng napanaginipan mo, pero nakamamatay ba ang makapag-asawa ng lasenggo na ay iresponsable pa?

Parang hindi naman, ‘di ba? Dahil bakit mamamatay ang babae, eh, hindi naman siya ang umiinom ng alak? Dapat ‘yung inom nang inom ang mamatay dahil ang sabi ng mga doktor, ang pag-inom ng alak ay isa sa mga sanhi ng kamatayan ng lalaki at babae.

Kaya kahit sino ang misis na nakapag-asawa ng ganu’n ay tiyak na mamamatay sa kunsumisyon. Pero, ito ay mangyayari kung hindi magbabago ang mister niya o kung hindi niya hihiwalayan. Tama ba? Palagay ko, tama!

Sino ang babae sa panaginip mo na ayon sa iyo ay hindi mo kilala? ‘Yan ang susuriin natin ngayon.

May asawa ka na ba? Umiinom ba ang mister mo? May anak na ba kayo? Kung oo, ang sagot mo, ang babae sa panaginip mo ay walang iba kundi ikaw, kumbaga, ikaw ang mamamatay sa kunsumisyon. Paano kung wala ka pang asawa?

Ang tanong, may boyfriend ka na ba? Umiinom ba ang boyfriend mo? Kung oo, ang sagot mo, ang babae sa panaginip mo ay ikaw pa rin na nagbabalita na kapag nakatuluyan mo ang iyong boyfriend, mamama­tay ka sa kunsumisyon sa kanya.

Paano kung wala kang asawa at wala ka ring boyfriend? Ang panaginip mo ay nagpapayo sa iyo na pakinggan mo ang sinasabi ng matatanda na gasgas na, pero totoo, “ang pag-aasawa ay hindi tulad ng kanin na kapag isinubo mo at napaso ka ay iluluwa mo na lang basta-basta.”

Ito ang nangyayari ngayon, kaya sobrang dami ng hiwalay sa asawa at broken-family, kaya ang payo sa iyo ng panaginip mo ay napapa­nahon.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page