ONE CHAMP JOSHUA PACIO, MALAKI ANG TSANSA SA “ETERNAL GLORY”


ITATAYA ng Pinoy mixed martial arts (MMA) superstar na si Joshua “The Passion” Pacio ang kanyang ONE Championship Strawweight World Championship belt kontra sa beteranong Hapon na si Yosuke Saruta sa nalalapit na “Eternal Glory” fightcard sa Jakarta, Indonesia.
Pagkatapos ng matagumpay na 2018, kung saan nasungkit niya ang korona ng dating kampeon na si Yoshitaka Naito, patutunayan ni Pacio (13-2, 11 Submissions) na hindi ito tsamba lang sa kanyang unang pagdepensa. Naniniwala ang mga analyst na sa mas lumakas ang pag-atake ng 22-anyos na mandirigma mula sa Team Lakay, kakayanin niya ang kalabang si Saruta (18-8), kahit na mas matanda ito at mas beterano sa kanya.
“Iyong bersyon ni Pacio noong 2018 ang pinakamagaling na porma niya. Mula sa ipinamalas niya sa laban kay Naito, malaki na ang hinusay ni Pacio sa kanyang grappling at pag-posisyon, kasabay ng mga kakampi niya sa Team Lakay. Sa edad na 22, isa na siya sa mga pinaka-kumpletong mandirigma ng Team Lakay, kung saan ihinahalo niya ang kanyang husay sa striking at sa patuloy na paghasa ng kanyang grappling, kaya niyang makipag-sabayan sa mga bigatin sa kanyang dibisyon,” ayon kay ABS-CBN Sports MMA at section editor Santino Honasan kung saan live sa S+A HD sa Enero 19 ng 11 p.m. ang laban. Dagdag ng isa pang MMA analyst na si Nissi Icasiano, kailangan lang ni Pacio na ulitin ang ginawa niya ka Naito. “Kung ano ang kanyang plano sa pagtalo kay Naito, iyon din dapat ang kanyang sundan kontra kay Saruta dahil halos magkapareho ang estilo ng dalawa,” sabi niya. (Alvin Olivar/MC)





Comments