Malinaw ayon sa palad... BEBOT NA NAKATAKDANG MAKAPAG-ABROAD NGAYONG TAON


KATANUNGAN
Maestro, makapag-a-abroad kaya ako kahit walang Travel Line sa aking mga palad na madalas ninyong talakayin?
Ngayon ay pinanghihinaan ako ng loob na mag-apply, nanghihinayang kasi ako sa malaking halaga ng pera na gagastusin ko sa pag-aayos ng mga papeles, tapos baka ang mangyari ay hindi naman ako matuloy. Kaya, kailangan ko ang inyong advice kung ano ang dapat kong gawin?
Ako ang inaasahan ng mga magulang ko dahil nag-asawa na ang kuya ko. Pangalawa ako sa mga babae, kaya kung hindi ako mag-a-abroad at aasa lang sa maliit na suweldo na natatanggap ko sa kasalukuyang kumpanya na pinapasukan ko ay baka hindi makapag-aral sa kolehiyo ang mga nakababata kong kapatid. Sana, matulungan ninyo ako at mabigyan ng magandang payo.
KASAGUTAN
Jheng, talagang ganyan ang mga taong may birth date na 2 tulad mo, gayundin silang may mga birth date na 2, 20, 11 at 29. Maging ang mga taong may birth date na 7 tulad nilang isinilang sa mga petsang 7, 16 at 25, mahina ang loob at madalas mawalan ng tiwala sa sarili at nag-aalinlangan sa kanilang kakayahan.
Kaya para mabuo ang iyong kursunada at matupad ang pangarap mo na mapag-aral ang mga kapatid mong nakababata sa iyo, maghanap ka ng kaibigan, pinsan o kakilala na may mga birth date na strong number tulad ng 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 9, 18 at 27 nang sa gayun ay lumakas ang iyong loob at tuluy-tuloy ka nang makapag-abroad.
Samantala, hindi totoong wala kang Travel Line, bagkus, maaaring hindi mo lang ito napapansin. Sa halip, ang talagang nakaguhit sa iyong mga palad ay ganito:
Oo nga at walang Travel Line (Drawing A. t-t) sa kaliwa mong palad (arrow a.), pero may Travel Line (arrow b.) ka sa kanang palad. Ibig sabihin, kailangang pagsikapan at pagpursigihin mo ang pag-a-apply sa ibang bansa dahil kung hindi, kumbaga, sa palaso o pana, hindi mo matutudla ang iyong plano sa buhay dahil hindi mo ito gaanong tinututukan.
Tandaan mo, tulad ng madalas nating ipaliwanag, kapag present sa kaliwa at kanang palad ang nasabing Travel Line (t-t arrow b.), doon pa lang masasabing ang karanasan sa pangingibang-bansa ay isandaang porsiyentong magaganap kahit hindi kumilos ang indibidwal dahil ang mangyayari, tatawagin ng kanyang magandang kapalaran ang nasabing indibidwal sa panahon ng kanyang buhay na makapagtatrabaho at makapaninirahan siya sa ibayong-dagat at doon ay magkakaroon siya ng isang mabunga at mabiyayang karanasan.
Subalit, sa kaso mo Jheng, dahil sa kanang palad lamang may nakitang Travel Line (t-t arrow b.), ang ibig sabihin nito, ang magandang kapalaran sa ibang bansa ay dapat mong paghirapan at pagsikapan at kapag nagsikap ka na talagang makapag-abroad, tiyak ang magaganap, tulad ng nasabi na, matutupad mo ang iyong pangarap, ikaw ang tatanghaling anak na makapagpapaaral at makapagbibigay ng magandang kinabukasan sa iyong mga nakababatang kapatid.
DAPAT GAWIN
HHabang, ayon sa iyong mga datos, sa sandaling tinutukan mo ang pag-a-abroad, sa tulong ng isang lalaking nagtataglay ng “strong number” na binanggit na ang birth date sa itaas, tiyak ang magaganap, sa kalagitnaan ngayong 2019, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.




Comments