Kung galit tayong tinapunan ng basura ng ibang bansa, ‘wag din tayong magtapon kung saan-saan


HINDI tapunan ng basura ang Pilipinas!
Kaya dapat lang na maibalik na ang mga basurang galing sa South Korea na ipinuslit noon sa ating bansa.
Nitong Linggo lang naibalik na sa SoKor ang 51 containers na puno ng tone-toneladang basura.
Ito ang unang batch ng kabuuang 200 containers ng basura habang ang natitirang mga container ay ipatatapon pabalik ngayon ding buwan.
Matatandaang, Oktubre 21, 2018 nang dumating sa Mindanao International Container Terminal Port ang nasabing 51 containers ng basura.
Maaari umanong nakalusot sa Bureau of Customs dahil iba ang nakadeklarang laman nito.
Hanggang sa nabuking na walang import permit mula sa environment department ang consignee ng naturang kargamentong basura at idineklara lamang itong “plastic synthetic flakes”.
Laman nito ang ilang gamit tulad ng dextrose tubes, gamit na diaper, baterya, bumbilya at kung anu-ano pa.
Sana nga lang, kung galit tayo na ginawa tayong basurahan ng ibang bansa, tayo mismo sa sarili nating bayan ay maging responsable sa pangangalaga sa kalinisan.
‘Ika nga, sobrang basic na ‘yung huwag magkalat at itapon nang wasto ang basura.
Ito lang ang bansa na matatawag nating atin kaya huwag babuyin!





Comments