Katotohanan tungkol sa hindi pagpapainom ng malamig na tubig sa buntis
- BULGAR
- Jan 11, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Buntis ako sa aking first baby kaya sobra ang pag-iingat ko sa kanya. Nakatira kami sa biyenan ko at sabi niya huwag daw akong iinom ng malamig na tubig dahil makasasama raw ito sa baby sapagkat napalalaki at napatitigas daw nito ang tiyan ng buntis. Sinabi rin nitong malalamigan ang bata sa loob kaya magiging magalaw ito. Totoo ba ito? — Jenny
Sagot
Kinakailangan ng mga buntis na uminom ng mas maraming tubig para maging hydrated pero, puwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis?
Inirerekomenda ng mga OB-Gyne na dapat uminom ng 12 baso ng tubig ang mga buntis kada araw.
Sa ibang bansa, paniniwala rin na ang pag-inom ng malamig na tubig ng mga buntis ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng hika, pulmonya at iba pang respiratory diseases, lalo na kapag madalas.
Puwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis?
Sa medical journal na isinulat ng Nigerian gynecologist sa Amerika na si Dr. Tinuola Ajayi, hindi nakasasama ang pag-inom ng malamig na tubig kapag buntis. Ang mahalaga ay malinis ang tubig at hindi direktang galing sa gripo.
Ayon sa librong Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy ng Mayo Clinic, ang buntis ay kailangan ng maraming tubig para maiwasan ang panganib ng deep venous thrombosis o blood clot sa binti. Kapag nakararamdam ang nanay na hindi gumagalaw ang bata, pinaiinom siya ng malamig na tubig para mapagalaw ito.
Tandaan na ang tubig na iniinom ay napupunta sa bituka sa tiyan at hindi napupunta sa uterus. Anumang tubig, oxygen at sustansiya na pumapasok sa nanay ay naipapasa sa pamamagitan ng dugo sa dugo sa placenta.
Narito ang dapat iwasang inumin ng mga buntis:
• Malamig na carbonated drinks
• Inuming may caffeine
Ang mga ito ay karaniwang nagti-trigger ng heartburn at nakalalaglag ng bata.
Kung nangangamba, huwag mag-alinlangang tanungin ang iyong doktor kung maaari bang uminom ng malamig na tubig ang buntis, lalo na kung may iba pang karamdaman.
Comments