'Bobotante' na lang ang pipili sa kandidatong may anak na tulak!
- BULGAR

- Jan 9, 2019
- 2 min read
MAY KALOKOHAN DIN ANG MGA TAGA-U.N. KASI GUSTO NILANG KUMITA SI HSGMA SA PAGKAKAKULONG SA KASONG PLUNDER—Inirekomenda ng United Nations Working Group on Arbitrary Detention (UNWGAD) sa Philippine gov’t. na bayaran si ex-president at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo mula sa limang taong pagkakakulong nito sa ilalim ng dating Aquino gov’t.
May kalokohan din ang mga taga-U.N. kasi nakulong si GMA sa kasong plunder at nakalaya na, tapos ang gusto ng mga taga-U.N. ay bayaran ito, buwisit!
◘◘◘
MGA KANDIDATO NI P-DUTERTE, TABLADO RAW SA NEGROS OCCIDENTAL—Idineklara ni Negros Occidental Gov. Alfredo Marañon, Jr., na apat na kandidatong senador lang ang bibitbitin ng kanilang lalawigan at ito ay sina reelectionist Senators Cynthia Villar, Grace Poe, Sonny Angara at dating DILG Sec. Mar Roxas.
Naku, malamang, makatitikim ng mura kay P-Duterte si Gov. Marañon kasi kahit isang kandidato ng pangulo ay walang bibitbitin ang gobernador na ibig sabihin, lahat ng manok ng pangulo sa eleksiyon ay basura sa Negros Occidental, boom!
◘◘◘
JUETENG NI ‘JOJO BERNARDO’, NAMAMAYAGPAG SA AREA NINA MALAPITAN, ARCANGEL, TIANGCO AT HAVERIA—Namamayagpag daw ang pa-jueteng ni alyas Jojo Bernardo sa jurisdiction nina Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan at P/Sr. Supt. Restituto Arcangel sa Caloocan City at Mayor John Rey Tiangco at P/Supt. Ramchrisen Haveria.
Ang satsat ng apat na opisyal noon, bawal daw ang manraraket sa kanilang nasasakupan, ‘yun pala ay mayroon at ang matindi ay jueteng pa.
Naku, kapag nalaman ni P-Duterte na binabalewala lang nina Mayor Malapitan, Sr.Supt. Arcangel, Mayor Tiangco at Supt. Haveria ang idineklara niyang “war on illegal gambling”, malamang, malintikan sila sa pangulo, abangan!
◘◘◘
MGA ‘BOBOTANTE’ LANG ANG BOBOTO SA KANDIDATONG MAY ANAK NA PUSHER—Timbog sa pagbebenta ng shabu si Ashraf Ikbala, anak ni Zamboanga City Mayoralty candidate ret. Gen. Sukarno Ikbala.
Dahil d’yan, mas lamang ngayon ang talo ni Ikbala kaysa sa panalo maliban na lang kung maraming “bobotante” sa Zamboanga City na iboboto pa ang kandidatong may anak na tulak ng shabu, boom!





Comments