Profiling sa mga guro, talupan!


ISANG usapin ang namamagitan ngayon sa mga guro at kapulisan.
Kaugnay ito sa nag-leak na memorandum na nag-aatas umano sa mga eskuwelahan na tukuyin ang mga gurong kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Kaugnay nito, humiling ng dayalogo ang Department of Education (DepEd) sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Batay sa kumalat na memo, lahat ng private at public schools sa Maynila at Zambales District ay inatasang magbigay ng listahan ng mga guro na miyembro ng ACT.
Binatikos ng ACT ang nasabing hakbang ng PNP at tinawag na unconstitutional attack sa kanilang karapatan.
Kaya hinikayat ng grupo ang DepEd na protektahan ang karapatan at personal na impormasyon ng mga guro.
Samantala, wala umanong iligal sa paglista ng PNP sa mga guro na maaaring miyembro ng mga progresibong grupo at militanteng grupo.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), ang PNP ayrepository ng mga impormasyon na maaaring magamit bilang future reference.
Wala rin umanong harassment sa naturang kautusan at walang dapat ikatakot ang mga guro kung wala naman silang problema o kinasasangkutang iligal.
Para hindi na mag-isip ang mga guro at mismo ang publiko, dapat ipaliwanag ng PNP ang layunin ng nasabing kautusan.
Batid nating ang pagsapi sa anumang pampolitikang grupo ay hindi krimen, lalo na kung ang samahan ay kumpleto sa mga rehistro at ang layunin ay ang pagsusulong ng interes ng bawat miyembro nito at ng sambayanang Pilipino.





Comments