top of page

Masusing pagpapatupad ng batas kontra bullying sa bawat paaralan, gawin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 23, 2018
  • 2 min read

ILANG taon na ang nakalilipas nang makita natin kung paano mabahala nang husto at lu­kubin ng kalungkutan ang ating maybahay n’ung maramdaman niya ang pinaghalu-halong emosyon matapos mapagtripan sa paaralan ang aming panganay na anak.

Nasa mababang antas pa lamang ng pa­aralan noon ang aming anak at wala pang ka­kayahang ipagtanggol ang kanyang sarili nang siya ay suntukin, sipain at ilugmok sa semento ng kanyang kamag-aral na bully.

Isa pa, pinalaki natin siyang may respeto, ma­pang-unawa sa kapwa at higit sa lahat, hindi basagulero.

Isa ang pangyayaring ito sa buhay natin sa mga nagtulak upang ating iakda ang Anti-Bullying Act na napagtibay noong 2013.

Ang batas na ito ang sumisiguro sa kalig­tasan ng ating mga anak laban sa anumang insi­dente ng bullying sa paaralan.

Sa ilalim ng naturang batas, inaatasan ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ng kindergarten, elementary at high school na magpatupad ng mga polisiya at mekanismo na siyang tutugon sa lahat ng uri ng pambu-bully.

Klasipikado sa ilalim ng nilikha nating batas na ang bullying ay kinabibilangan ng physical contact tulad nang panununtok, panunulak, pa­­-ni­nipa, pananampal, pang-iinsulto, pagmumura, name-calling, pangmamaliit sa estadong sek­suwal ng tao at cyber bullying.

Iniaatas din ng Anti-Bullying Act na kaila­ngan agad ipaalam sa pinakamataas na opisyal ng paaralan ang bullying incidents upang ito mismo ang magpaalam sa mga magulang ng mga batang sangkot sa kaso ang pangyayari.

May kapangyarihan ang paaralan na mag­pa­taw ng kaukulang parusa sa may kasalanan tulad ng written reprimand, community service, suspensiyon mula sa klase, paghihiwalay sa kanya mula sa kanyang mga kamag-aral o kaya pagpapatalsik sa kanya sa paaralan.

Nitong mga nakaraang araw, kumalat ang video ng batang mag-aaral sa Ateneo de Manila Junior High School na naghamon, gumulpi at nagpadugo sa ilong ng isa niyang kamag-aral.

Milyun-milyon ang nakapanood ng video na ito at maging sa Twitter umano ay nag-tren­ding ito, worldwide.

Makikita nating walang kakayahang gu­manti ang biktima dahil eksperto sa taekwondo ang batang bully.

Liban dito, kilala raw ang bata sa ganitong ugali at marami na umano ang naging biktima.

Sa pangyayaring ito, tayo ay muling nana­nawagan sa mga paaralan na masusing ipatupad ang batas kontra bullying.

Nais nating ipaalala sa mga paaralan na sa ilalim ng ating umiiral na Family Code, nasa ba­likat ng mga opisyal ng eskuwelahan ang legal na responsibilidad na akuin ang paniniguro sa kapakanan ng mga mag-aaral sa araw na may pasok ang mga bata dahil ang mga ito ay nasa kanilang kustodiya sa mga ganitong pagkaka­taon.

Itinuturing nating pangalawang tahanan ng ating mga anak ang kanilang paaralan at sa ila­lim ng batas ay may karapatan silang humingi ng tulong at magpahayag ng kanilang saloobin sa loob ng institusyon, partikular na kung ito ay may kinalaman sa kanilang kaligtasan.

Para sa mga paaralan, sana ay maging aral na sa atin ang bullying incident na ito sa Ateneo Junior High.

Maging proactive sana tayo at tumupad sa batas kontra bullying upang masiguro natin ang kaligtasan ng bawat estudyante sa ilalim ng ating pangangasiwa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page