BIADO, ‘DI PAAWAT, LAST 16 NA SA WORLD 9-BALL CHAMPIONSHIPS
- Eddie M.Paez, Jr.
- Dec 20, 2018
- 1 min read

TULOY ang kampanya ni Carlo Biado ng Pilipinas na mapanatili ang kanyang korona matapos siyang makapasok sa grupo ng huling labing-anim na manlalaro sa umuusok na bakbakan ng 2018 World 9-Ball Championships sa loob ng Al Arabi Sports Club ng Doha, Qatar.
Natakasan ni Biado ang upset-axe sa round of 32 na duwelo kontra kay Konrad Juszczyszyn ng Poland, 11-7, pati na rin sa pakikipagharap niya sa pambato ng Ukraine na si Vitaliy Patsura, 11-9, sa paligsahang pumasok na sa knockout stages at naglalaan ng kabuuang halagang $200,000 para sa mga makapapasok sa winners’ circle.
Nauna rito, sumikad sa preliminary stage si Biado, pangatlo sa World Pool Billiards Association (WPA) rankings, sa pamamagitan ng pagdaig kina Argentinian Jorge Llanos, 9-3, at Sergey Lutsker ng Russia, 9-5.
Bukod kay Biado, tersera sa katatapos na All-Japan Billiards at sa Sen. Emmanuel Pacquiao 40th Birthday 10-Ball tilt, wala nang iba pang Pinoy ang nakapasok sa final 16. Nalaglag sa last 64 sina Alex Pagulayan morning at Jeffrey Ignacio habang tiklop sa last 32 sina Roland Garcia at Johann Gonzales Chua.
Kasama sa mga bigating bilyarista na may pag-asa pang makapasok sa finals sina WPA no. 1 Eklent Kasi ng Albania, WPA no. 2 Jung Lin Chang mula sa Taiwan, 2015 at 2016 bridesmaid na si Shane Van Boening ng USA at Netherlands gem Niels Feijen.





Comments