Hamon sa mga kabataan, umiwas sa yosi bago pa magsisi

HABANG tumatagal lalong dumarami ang naninigarilyo at maging ang kabataan ay natutukso na rito.
Tila wa’ epek ang mga programa at babala na ginagawa ng gobyerno at iba’t ibang grupo.
Hanggang sa magkaroon ng pag-asa na kung tataas ang presyo ng yosi, mababawasan na rin ang mga bumibili.
Sa isang panayam, kung magiging P20 daw ang kada stick ng sigarilyo, maraming kabataan ang mapipilitan nang tumigil sa paninigarilyo.
Ang problema, iba na ang kabataan ngayon, madali na silang nakahahanap ng mapagkukuhanan ng pera, kaliwa’t kanan na rin kung rumaket.
Puwera na lang siguro kung aabot ng P100 o higit pa ang isang stick.
Isa pa ‘yang patingi-tinging pagbebenta, madaling makabili.
Hindi tulad sa ibang bansa, bawal ang pagbebenta ng paisa-isa.
Nakalulungkot na base sa datos ng Global Youth Tobacco Survey, tumaas nang 3.1% ang bilang ng kabataang edad 13 hanggang 15 na naninigarilyo mula noong 2011 hanggang 2015.
Kunsabagay, sa bahay palang, kung sina tatay at nanay patay-sindi kung manigarilyo, ano pa ang laban ng ibang kaanak o nakatatanda para pagsabihan ang mga kabataan na ‘wag sumunod sa masamang bisyo ng mismong mga magulang?
Kaya ikaw na mismong anak na alam mong walang mabuting hatid ang pagyoyosi, huwag mo nang subukan para hindi ka magsisi.





Comments