'Di raw tumatanggi sa grasya… EDDIE, NAGSALITA NA SA KOTSENG BIGAY NI COCO
- BULGAR

- Dec 7, 2018
- 2 min read

NAGULAT si Eddie Garcia when asked if true na may tampo siya sa FPJ’s Ang Probinsyano lead actor na si Coco Martin sa press conference ng latest film ng veteran actor na Rainbow’s Sunset na isa sa official entries sa 2018 Metro Manila Film Festival.
“Ahh, huh? Wala akong tampo sa kanya. Kaibigang-kaibigan ko ‘yun, eh. Sino ang may sabi?” balik-tanong niya sa amin.
When we mentioned to him na galing sa isang source, madiin niyang pinabulaanan ang nakarating sa aming balita. Kaibigan daw niya si Coco.
“Never ako nagtampo kay Coco. Ang ganda ng rapport namin, eh.”
Ilang taon at shows na raw ang pinagsamahan nila ni Coco. Unang-una ay sa seryeng Juan dela Cruz noong 2013. At may ginawa pa raw sila na isang teleserye ni Coco na pang-Sunday.
Hindi na masyadong maalala ni Tito Eddie ang title nu’ng isang serye nila ni Coco na pang-Sunday kaya hinanap namin sa Google. Ang tinutukoy niya ay ang Yamashita’s Treasure episode sa Wansapanataym kung saan si Julia Montes ang leading lady ni Coco.
Grabe, napabilib kami ni Tito Eddie sa pagiging sharp ng kanyang memory kahit 89 years old na siya, huh? No wonder, kering-keri pa rin niyang mag-memorize ng kanyang linya sa pelikula at telebisyon.
This year alone, tatlong pelikula ang nagawa niya plus teleserye. Pero nagawa raw niya ang dalawa niyang movies, ang ML na entry sa Cinemalaya at Hintayan ng Langit sa QCinema nu’ng time na wala siya sa Ang Probinsyano.
On both films, nanalo si Tito Eddie ng Best Actor. Kaya ‘di malabong masungkit din niya ang Best Actor sa MMFF para sa Rainbow’s Sunset directed by Joel Lamangan and produced by Heaven’s Best.
“Well, hindi ko alam kung ano ang chance ko to win dahil hindi ko alam ‘yung mga entries pa. So, whatever the outcome is good.”
This Christmas, wala naman daw siyang inaasam-asam na regalo. Pero kung may magbibigay, tatanggapin niya siyempre.
May balitang binigyan siya ng kotse ni Coco, pero ayon kay Tito Eddie, wala siyang natanggap na kotse mula sa aktor.
May dalawa raw siyang kotse at isa ru’n ay Jeep ang tatak. Pero kung bibigyan daw siya ni Coco ng kotse, eh, tatanggapin niya nang buong-puso.
Ang Rainbow’s Sunset ang ikalawang pelikula ni Tito Eddie na idinirek ng award-winning director na si Direk Joel. Huli silang nagkatrabaho for an MMFF entry ng Regal Films na Mano Po noong 2002 kung saan parehong nanalo sina Tito Eddie as Best Actor at Direk Joel bilang Best Director.
Ma-take two kaya nina Tito Eddie at Direk Joel ang pagkakapanalo nila noong 2002 sa MMFF this year?





Comments