Iba’t ibang modus ng mga kawatan ngayong kapaskuhan, alamin
- BULGAR

- Dec 6, 2018
- 2 min read
NOONG nakaraan, ibinulgar natin ang iba’t ibang modus operandi na posibleng mangyari sa inyo mga ka-Bulgar kaya muli nating ibinubulgar ang mga raket ng mga kawatan kung saan ngayong Christmas Season ang pinakahihintay ng mga demonyo para makapambiktima.
1. Simbang Gabi — sila ‘yung mga hinayupak na suspek na nagkukunwaring nagsisimba rin pero, mga mandurukot at nagmamatyag ng bibiktimahin sa mga natutulog at nag-aabang sa paglabas ng Simbahan para holdapin ang kursunadang kaawa-awang biktima.
2. Riding-in-tandem — sila ‘yung nagkukunwaring nagtatanong ng lugar pero ‘pag naramdaman ng mga animal na ito na tolonges ang napagtanungan ay kanila itong hoholdapin.
3. Palit supot — sila ‘yung mga tindero (hindi lahat) ng prutas na pinapipili ang biktima ng prutas na bibilhin na kapag nakapili na ay ilalagay na sa supot na kapag nalingat ang biktima ay pinapalitan agad ang supot dahil may nakahanda nang kakulay na supot na ang laman ay hindi ‘yung pinili ng biktima. Makiramdam at matyagang mabuti ang galaw ng mga kamay ng tindero.
4. Nangangaroling — sila ‘yung grupo na mga nangangaroling kuno pero habang kumakanta, ang ibang kasama ay umaakyat at nagnanakaw na nang mga importanteng gamit sa bahay. Akyat-bahay pala, mag-ingat!
5. Regalo n’yo po! — sila ‘yung mga kumakatok sa bahay-bahay na nagbibigay ng regalo sa taong-bahay pero, naniningil ng pera na para raw sa bahay-ampunan. Mag-ingat at huwag basta magtitiwala.
6. Palimos po! — sila ‘yung nagkukunwaring nanghihingi ng limos na paawa-epek pa at dadramahan ang biktima para raw pang-noche buena pero, ‘pag nalingat ang biktima ay may kasabwat itong mandurukot. Maging alerto dahil nagkalat sila sa mga palengke.
7. Ang Pasko ay sumapit — sila ‘yung mga batang-hamog na nagkalat ngayon sa lansangan na namamasko at nangangaroling na sumasampa sa mga pampasaherong jeep na ‘pag hindi mo pinansin at binigyan ng pera, duduraan ang biktima sabay lundag sa sasakyan.
Ilan lamang ito sa pagpapatuloy nating pagbubulgar sa mga raket ngayong kapaskuhan upang mag-ingat ang mga ka-Bulgar natin para hindi mabiktima ng mga demonyong kawatan ngayong kapaskuhan.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments