10th CHAMPIONSHIPS KINABIG NG ATENEO!
- BULGAR

- Dec 6, 2018
- 2 min read

ANG inaasahang dikdikang laban ay naging one-sided game nang dominahin ng Ateneo de Manila ang University of the Philippines, 99-81 upang mapanatili ang paghahari sa UAAP men’s basketball sa pagtatapos ng Season 81 kahapon sa Araneta Coliseum.
Ang titulo ang ikapito ng Blue Eagles sa nakalipas na 11 taon at ika-10 nilang men’s overall title.
Gaya ng dati, muling nagpakita ng kanyang all around game brilliance si Thirdy Ravena at sa pagkakataong ito nakatuwang nya ang kanilang Ivorian center na si Angelo Kouame upang pangunahan ang Blue Eagles sa pagwalis sa finals series. Tumapos si Ravena na may 38 puntos habang nagdagdag si Kouame ng 22 puntos.
Gayunman, wala sa dalawang manlalaro ang nagpasimula ng matinding ratsada ng Blue Eagles na pinasiklab ng kanilang rookie na si SJ Belangel. Buhat sa limang puntos na lamang, naglatag ang Ateneo ng 10-0 blast na nagresulta sa 28-13 bentahe sa bungad ng second canto na sinimulan ni Belangel sa pamamagitan ng back-to-back baskets. Mula roon, hindi na lumingon pa ang Ateneo na makailang beses pang lumamang ng 21 puntos sa kalagitnaan ng fourth period.
Nanguna para sa UP si Juan Gomez de Liaño na may 24-puntos kasunod si Bright Akhuetie na may 19 puntos at team captain Paul Desiderio na may 15 puntos. Bagamat nawalis sa finals series, naitala pa rin ng Fighting Maroons ang kanilang pinakamataas na pagtatapos sa nakalipas na 32 taon.
Samantala, pagkaraang maitala ang rekord na pinakamahabang winning streak sa liga, muling lumimbag ng bagong kasaysayan ang NU women’s basketball team nang kanilang iposte ang ikalimang sunod na kampeonato sa pamamagitan ng 67-61 panalo kontra FEU kahapon sa pagtatapos ng UAAP Season 81 women’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Ipinoste rin ng Lady Bulldogs ang ika-80 sunod na panalo at pinantayan ang rekord na longest unshared championship streak sa UAAP Seniors Basketball division na ginawa ng Ateneo Blue Eagles noong Season 71 hanggang 75.
Kasabay ng tagumpay ng NU, tinapos din ng manlalaro nilang si Ria Nabalan ang UAAP career bilang natatanging student-cager na undefeated sa loob ng 80 laro mula nang magwagi ang NU noong Hulyo 13, 2014 sa iskor na 62-46 kontra Adamson Lady Falcons. Namuno si Rhea Itesi sa naturang panalo sa itinala nitong 17 puntos kasunod si Jack Animam na may 15 puntos.
Samantala,iginawad na kahapon kay University of Sto. Tomas Congolese player Grace Irebu ang Season 81 women’s basketball Most Valuable Player award. Kasama nyang pinarangalan bilang miyembro ng Mythical Team ang teammate na si Sai Larosa at sina Adamson cager Nathalie Prado, FEU standout Clare Castro, at Season 83 MVP Jack Animam ng NU. Nagwagi naman si Tigresses guard Tantoy Ferrer bilang Rookie of the Year. (VA)





Comments