Solusyon kontra sa malalang trapik, disiplina!

HINDI na mapapalapad ang kalsada, mahirap nang magbawas ng mga sasakyan, tanging isang paraan na lang ang solusyon sa malalang trapik sa EDSA — disiplina.
Ito umano ang tututukan ng MMDA, ang maibalik ang disiplina sa lansangan.
Kung alam ng bawat motorista ang batas-trapiko at lahat ay sinusunod kahit paano ay magiging maayos ang daloy ng mga sasakyan at iwas-aksidente.
Sa datos ng ahensiya, nitong Nobyembre, bumaba pa sa 16.14-kilometer per hour ang takbo ng mga sasakyan sa EDSA, mas mababa kumpara sa 19.37-kilometer per hour na unang naitala.
Sa ganitong siste, kayanin pa kaya?
Sa totoo lang, kahit gaano kagaling ang mga tagapagpatupad ng batas, nasa tao pa rin talaga kung mas paiiralin ang pagiging pasaway.
Alam nang bawal, gagawin pa rin na kapag nagkahulihan, sila pa ang galit. Paano uusad ang bansa kung simpleng batas ay hindi kayang sundin?
Halos lumelebel na ang problema sa trapik sa ibang isyu ng bansa.
Noon, ang iniisip lang natin ay kung paano masosolb ang krimen at korupsiyon; ngayon, pati ang kalagayan sa EDSA at iba pang mga lansangan ay pinoproblema na rin.
At tiyak, pasok din ‘yan sa mga pangakong maririnig mula sa mga kandidato ngayong eleksiyon.
Abangan na lang natin kung sino sa kanila ang makapaglalatag ng solusyong malapit sa katotohanan at ‘yung siguradong matutupad.





Comments