WORLD SPEEDCHESS SEMIS BAKBAKANG ESPORTS ONLINE
- Eddie M. Paez, Jr
- Nov 29, 2018
- 1 min read

SUSULONG na ang semifinals ng 2018 World Speedchess Championship - isang “online” na bakbakan sa mabilisang ahedres na tinatawag na eSports bracket tournament at tatampukan nina Grandmasters Wesley So, Hikaru Nakamura, Jan Krzysztof Duda at Levon Aronian.
Sagupaang So - Duda ang masasaksihan sa Nobyembre 30 samantalang ang duwelo nina Nakamura at Aronian ay matutunghayan sa Dis. 01, 2018.
Nakarating sa final 4 ang 25-anyos na si So, tubong Cavite nang mangibabaw ito sa mga engkwentro laban sa Intsik na si Wei Yi (18.5 - 9.5) at sa Indianong Vidit Gujarathi (16.5 - 10.5).
Sa kabilang dako, nanorpresa ang pambato ng Poland na si Duda sa tulong ng mga tagumpay niya laban sa mga batikang Russian woodpushers na sina Sergey Karjakin (13.0-11.0) at Alexander Grischuk (14.0-13.0).
Ang nagtatanggol na kampeon na si Nakamura, kumakatawan sa U.S. Chess Federation ay nakausad sa Final 4 nang talunin niya ang lady chesser ng China na si Hou Yifan (27.5 - 2.5) at si French ace Maxime Vachiere Lagrave (21.5 - 13.5) sa kompetisyong may kabuuang papremyong salapi na nagkakahalaga ng US$55,000.
Winalis ng Armenian gem na si Aronian si Italian-American GM Fabiano Caruana (20.5 - 6.5) at si Dutch GM Anish Giri (18.0 - 11.0) papunta sa Final 4.





Comments