top of page

Pagbabasa ng mga mag-aaral sa school library, bigyang-halaga

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 29, 2018
  • 2 min read

ARAW-ARAW, sa loob at labas ng klas­rum ay nasasanay ang mga mag-aaral na matuto at lumawak ang kanilang kaalaman at abilidad sa pagkilala, pang-unawa at pag­­taguyod ng mga ideya o simbolo na kanilang nakikita sa libro o blackboard.

Sa kabila ng nagbabagong panahon nga­yon, itinuturing pa ring makabuluhan at napakikinabangan ng mga batang estudyante ang tradisyunal na libro tulad ng textbooks, pocketbooks, newspapers, magazines, al­ma­nac, dictionary at encyclopedia.

Sa pamamagitan nito, nagiging malikhain ang kanilang kaisipan, lumalalim ang pang-unawa sa mga ideya, nagiging aktibo sa malu­lusog na argumento o pangangatwiran at naisasabuhay ang implikasyon o natutunan mula sa mga binasa.

Ayon sa librarian ng National Library of the Philippines, ang mga aklatan o library ang isa sa mga haligi ng ating sibilisasyon.

Dito lubos na napakikinabangan ang libu-libong aklat sa pilosopiya, sikolohiya, relihi­yon, panlipunan, teknolohiya, sining, litera­tura, retorika, heograpiya at kasaysayan.

Maraming paraan upang masulit ang pag­gamit ng mga library.

Maaaring magpasa ng book report, mag­sagawa ng book donation para mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng libro ang mga kapus-palad, book swapping sa kapwa mga mambabasa o kaya ay lumahok sa mga palig­sahan.

Naniniwala ang inyong lingkod na ang mga library ay napakahalaga pa rin kahit nasa internet era na tayo ngayon.

Una tayong namulat dito noong tayo ay kolehiyo pa lamang kung saan library ang palagi nating takbuhan hindi lamang para magbasa kundi makapag-aral nang tahimik at maayos.

Dito lumalawak at lumalalim ang iba’t ibang kaalaman ng mga estudyante dahil hin­di lamang ito lugar para manghiram ng libro kundi lugar din upang mapalawak natin ang kaalaman nila sa pagbabasa katuwang ang kanilang mga kaklase o maging ang mga guro.

Makatutulong din ang “knowledge colla­boration” o ang interaksiyon sa kanilang mga kapwa mag-aaral para magpalitan ng ideya at impormasyon para sa kanilang mga assign­ment, group project, thesis writing at iba pa.

Tulad nito ang nakasanayan ng mga mag-aaral ng isa sa mga paaralan sa Lungsod ng Valenzuela, ang Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PLV) kung saan sama-sama nilang napakikinabangan ang mga card ca­talog, online card catalog, specialized data­base information at mga research material.

Kung magiging regular na kaugalian ito sa kanilang pag-aaral tiyak, hindi maitutu­ring na “obligasyon” lamang ang paggawa o pagtatapos ng kanilang mga subject require­ment kundi magiging libangan pa dahil sa kawili-wili at makabuluhang pakikipag-usap at pagtutulungan sa kanilang mga kaibigan at kamag-aral.

Gamitin at sulitin ang mga library sa ating lugar at tandaan na ang kolaborasyon ay isa sa mga pangunahing susi sa pagkatuto, ka­runungan at tagumpay sa maraming bagay.

Mas madaling matuto kung sama-samang nag-aaral ng anumang paksa na kailangan sa kanilang pag-aaral.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page