SANTISIMA, PAGARA AT CATARAJA NAMITPIT NG MEXICANS SA PP45
- BULGAR

- Nov 26, 2018
- 2 min read

TULOG si George Krampha ng Ghana nang abutin ng malakas na kanang upak ni Albert Pagara sa laban nilang ito sa Pinoy Pride 45 sa Cebu City kamakalawa ng gabi. (Philboxing)
PINARUSAHAN nina Jeo Santisima at KJ Cataraja ang kani-kanilang mga kasagupang Mehikano na sina Uriel Lopez at Victor Hugo Reyes na pawang matitikas pa rin ang stamina hanggang sa huling batingaw ng laban habang sa kabilang banda, pinatumba kaagad ni Albert Pagara si George Krampah ng Ghana sa 1st round ng Pinoy Pride 45 Triple WBO regional title fights noong Sabado ng gabi sa IEC Convention Center sa Cebu City.
Kadalasang tinapos ni Santisima ang 13 sa 14 niyang kalaban sa kaagahan ng round sa bisa ng malalakas niyang kanan at kaliwang upak sa ulo at katawan tulad ng pinadadapo niya kay Lopez pero makukunat ang mga balat ng Mexican, ayon sa ulat ng Philboxing.
Mukha pa ngang nagdedelikado kay Lopez si Santisima dahil umuuga ang Pinoy sa bawat bigwas ng dayuhan, pero mas iniinda ng Mexican ang suntok ng Pinoy.
Kinakapos pa nga sa middle rounds si Santisima at kabado na ang amuyong sa ringside kung kakayanin pa niya si Lopez. Bagamat mas lamang na ang Masbate knockout artist, matibay pa rin ang dayuhan.
May naibigay sina Judges Edward Ligas at Arnel Passion na parehong iskor na 117-111 pabor kay Santisima habang si Judge Romar Embodo ay may 118-110 para kay Santisima na matagumpay na nadepensahan ang WBO Oriental super bantamweight title.
Pinaangat ni Santisima ang record sa 17 wins, 2 losses na may 14 wins habang si Lopez ay lagpak sa 13-7-1 at 6KOs. Mas malakas naman si Cataraja (9-0-0, 7KOs) kay Reyes, bagamat medyo napagod sa last rounds ang Pinoy pero impresibo pa rin ang mga suntok nito.
Umiskor sina Danrex Tapdasan, 99-91; Edwin Barrientos, 99-91 at Edward Ligas, 100-90 lahat para kay Cataraja na hawak na ang WBO Youth super flyweight title. Itinumba naman ni Albert Pagara (31-1-0, 22KOs) at naipagtanggol ang WBO Inter-Continental belt si George Krampah (14-4-0, 12KOs) ng Ghana sa 2:55 minuto sa unang round ng serye sa bisa ng nakatutulig na kanang upak sa ulo ni Krampah.
Bagamat inireklamo ni Krampah (14-4-0, 12KOs) na na-low blow siya habang binibilangan ni Referee Danrex Tapdasan, ang kanang suntok na dumapo sa ulo niya ang ipinantapos sa kanya ni Pagara. (MC / ATD)





Comments