ROTC sa mga estudyante aprub, ‘wag lang haluan ng kalokohan

ANG kabataan ang pag-asa ng bayan,” ‘ika nga ni Dr. Jose Rizal.
Kumusta na nga ba ang kabataan ngayon?
Busy sa gadgets at maghapong nakababad sa social media at online games?
Kaugnay nito, may isang bagay na inihihirit si Pangulong Rodrigo Duterte sa ating mga mambabatas — gawing mandatory sa buong bansa ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), partikular sa senior high school.
Sa pamamagitan nito, maitatanim sa kabataan ang pagiging makabayan, disiplinado at bukal sa kalooban na pagsisilbi sa kapwa.
Magkakaroon din tayo ng mapaghuhugutan ng puwersa sa mga panahon ng kalamidad.
Mahahasa rin ang leadership sa mga ito kung saan sa kanila magmumula ang mga magiging lider at kinatawan ng bansa.
Kasama na rin ang pagiging handa sa oras ng pangangailangan lalo na sa pagkakataong magkaroon ng banta sa ating bayan.
Tulad sa ibang lahi na inihahanda ang kanilang mga mamamayan para sa giyera bagama’t, ayaw natin itong mangyari, mainam na rin na kaya nating ipagtanggol ang ating sarili, pamilya at ang bansa.
Kasabay ng pagpabor sa ROTC, nananawagan tayo sa mga bumubuo nito na panatilihin ang mabuting layunin nito. Huwag nating hayaang abusuhin ng iba.
Panahon na para gisingin ang kabataan at imulat sila sa marami pang bagay at karanasan.





Comments