top of page
Heart Evangelista.jpg

Gustong malaman ang proseso nang pagkuha sa death benefits sa SSS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 25, 2018
  • 2 min read

Dear Atty. Art,

Namatay ang tatay ko noong Agosto 2017. Sa pagkakaalam ko ay mayroon siyang hulog sa SSS. Nag-iisa lang akong anak. Nais kong malaman kung may makukuha akong death benefit, anong benepisyo ang makukuha ko at paano ang proseso nito? —Sellene ng Del Rosario, Malabon

Sagot

Magandang araw! Hindi mo nabanggit ang mga mahahalagang detalye tungkol sa tatay mo tulad ng kumpletong pangalan ng tatay mo, SS number at kung kailan ito namatay. Mahalaga ang mga impormasyong ito para makita sa rekord ng SSS ang death benefit para sa tatay mo. Ipinapayo namin sa’yo na ipaalam mo sa amin ang mga nabanggit na detalye upang mabigyan kayo ng tamang payo.

Gayunman, ang benepisyo sa pagkamatay ay benepisyong ibinabayad na maaaring buwanang pensiyon o lump sum amount sa mga karapat-dapat na benepisaryo na naulila ng namatay na miyembro. Ang buwanang pensiyon sa pagkamatay ng miyembro ay ipinagkakaloob sa legal na asawa at menor-de-edad na mga anak kapag ang miyembro ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon.

Ang lump sum benefit ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 36 buwan ang hulog ng miyembro. Lump sum din ang benepisyong ibinibigay kung walang legal na asawa o menor-de-edad na anak ang miyembro.

Kung ang miyembro ay nakapaghulog ng 36 kontribusyon pataas at may anak na wala pang 21 taong gulang at walang asawa, makatatanggap ng buwanang dependents’ pension ang menor-de-edad na anak. Ang dependents’ pension ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng basic pension na tatanggapin ng kanyang nanay, alinman ang mas mataas. Ito ay ipinagkakaloob sa limang menor-de-edad na anak, mula sa pinakabata. Matitigil lang ang benepisyong ito kapag dumating na sa 21 taong gulang ang anak ng miyembro, mag-asawa o makapagtrabaho.

Kung hindi na menor-de-edad ang anak, makatatanggap siya ng lump sum amount. Kung ang miyembro ay nakapaghulog ng 35 kontribusyon pababa kahit pa menor-de-edad ang anak, makatatanggap lang siya ng lump sum amount.

Kung ang namatay na miyembro ay pensiyunado bago siya namatay, ang kanyang mga legal na tagapagmana ay makatatanggap lamang ng natitirang pensiyon na nakapaloob sa five-year guaranteed period.

Sa kaso mo, nabanggit mo na nag-iisa kang anak at nais mong malaman kung maaari kang mabigyan ng benepisyo dahil sa pagkamatay ng iyong ama. Makatatanggap ka ng lump sum benefit kung patay na ang mga magulang ng iyong tatay. Ipinagpapalagay natin na hindi ka na menor-de-edad at sa pagkakasunod ng benepisaryo ng miyembro kapag hindi na menor-de-edad ang anak, ang susunod na benepisaryo ng miyembro matapos sa legal na asawa ay ang mga magulang nito. Kung patay na ang iyong lolo at lola, maaari kang mag-file ng death claim.

Para sa pagpa-file ng death benefit, kinakailangang magsumite ka ng napunan na Death Claim Application Form kalakip ng sinumpaang sanaysay, death certificate ng iyong tatay na sinertipikahan ng Philippine Statistics Authority o Local Civil Registrar at certified true copy ng iyong birth certificate.

Magdala ka rin ng litrato mo, napunang signature form at valid ID. Maaaring kang mag-file sa pinakamalapit na sangay ng SSS.

Nawa’y nabigyan namin ng linaw ang mga bagay na ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page