top of page

Nagsusugal at maraming pera

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 20, 2018
  • 2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Margarita ng Margarita_Sanggalang@facebook.com

Dear Professor,

Ano ang ibig sabihin ng panaginip na may mga nagsusugal kung saan may mag-asawa akong binigyan ng pera?

Gayundin, kitang-kita ko na palagi silang tumatama at marami na silang hawak na pera. Kaya sinabi ko sa kanila na hatiin namin ang pera, pero ang sabi nila sa akin ay hindi nga raw sila nananalo.

Pero, nakita ko talaga na maraming pera sa wallet nila.

Naghihintay,

Margarita

Sa iyo Margarita,

Malinaw pa sa sikat ng Haring Araw ang mensahe ng iyong panaginip na huwag na huwag kang magtitiwala sa kapwa mo. Ang dami-rami na nating nababalitaan na na­daya, nalamangan, naloko at naisahan ang tao dahil siya ay nagtiwala sa kanyang kapwa.

Pero sa panaginip, masasalamin na ikaw mismo ang kumausap sa tao para isugal ang pera mo, kumbaga, may kaunting kaibahan ito sa mga naririnig nating naloko dahil sa panaginip mo, ang naloko mismo ang humanap ng sarili niyang sakit sa ulo.

Dahil dito, ang dagdag na payo sa iyo ay huwag kang magtitiwala sa kahit na sino kahit pa sa mga kakilala mo o mga malalapit sa iyo. Ang isa pang naririnig natin ay ang iyak nang iyak dahil sa nagtiwala siya sa malapit sa kanya, pero sa huli ay nadaya siya.

Kaya kung gusto mong paramihin ang pera mo, ikaw na mismo ang magparami nito. Kung sa negosyo, ikaw na mismo ang magbenta ng mga produkto mo. At kung ihuhulog mo naman ito sa bangko, ikaw na rin ang maghulog at kumuha nito.

Nagbababala ang iyong panaginip na hindi lang isang beses kang maloloko lalo na kung hindi ka makikinig sa mga payo sa iyo. Ang mga panaginip ay hindi mga hula dahil ito ay mga babala.

Samantala, nakatutuwa ang mga tao dahil madalas ay matigas ang kanilang ulo at huli na bago nila malaman na mali pala ang kanilang ginawa.

Ang nakatutuwa minsan ay nagiging nakatatawa dahil kapag pinansin mo ang iyong mga panaginip, tiyak na mata­tawa ang mga kakilala mo dahil ang mga natanggap mong babala mula sa iyong panaginip ay hindi mo pinansin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page