Presyo ng bilihin, damay sa ‘truck holiday’
- BULGAR

- Nov 18, 2018
- 1 min read
KASABAY ng ikinakasang ‘truck holiday’ ng mga driver at operator, nangangamba naman ang mga supermarket owner na maapektuhan ang kanilang mga negosyo.
At sa ganitong takbo ng usapin, sapol din ang mga mamimili. Tiyak may paggalaw na mangyayari sa presyo ng mga bilihin.
Ikinakasa ng mga truck driver ang tigil-operasyon simula sa Lunes, November 19.
Ito ay bilang protesta sa nakaimbak na containers na walang laman sa mga pier sa Maynila at maging sa umano’y pressure ng Department of Transportation na palitan ang mga lumang delivery truck.
Ayon sa grupo, imbes na nakatengga ang mga delivery truck sa labas ng pantalan, ititigil muna raw nila ang paghahatid ng mga produkto.
Natatandaan pa ba ninyo ‘yung port congestion noong 2014? Halos hindi gumagalaw ang mga delivery truck na patungong pier na nakaapekto hindi lang sa daloy ng trapiko na umabot hanggang NLEX kundi naging sanhi rin ng pagtaas sa presyo ng ilang bilihin?
Hindi malayong maulit ito. Magkakaproblema na naman sa supply ang kanilang mga distributor kapag itinuloy ang tigil-biyahe.
Ang ending, sa taas ng demand ng ilang produkto dahil sa Holiday Season, talagang tataas ang presyo at dibdiban na naman ang pagba-budget.
Gayunman, ang kapaskuhan ay hindi nangangahulugan ng magarbong selebrasyon.
Kung ganitong may banta sa ating ‘bulsa’, puwede namang maghinay-hinay sa gastos, ang mahalaga, buo ang pamilya at masaya kahit walang regalo, kung ano ang meron sa mesa, ayos na.





Comments