Malinaw ayon sa palad...BABAENG NAKATAKDANG MAKAPAG-ABROAD KAHIT HINDI NAKATAPOS NG PAG-AARAL
- BULGAR

- Nov 18, 2018
- 3 min read

KATANUNGAN
1. Gustung-gusto kong mag-abroad, Maestro, kaya lang hindi ako nakatapos ng college.
2. At kahit may tutulong sa akin, ‘yung pinsan kong nasa Dubai, hindi ko maintindihan kung bakit wala akong tiwala sa sarili ko.
3. Sabi ng mga magulang ko sayang daw ang pagkakataon dahil padadalhan sana ako ng pinsan ko ng pang-ayos ng mga papeles at siya na rin ang magpapasok sa akin sa Dubai bilang D.H.
4. Itatanong ko lang kung matutuloy ba ako at kung matutuloy ako, magkakaroon kaya ako ng mababait na mga amo sa Dubai?
KASAGUTAN
1. Ano ang nangyari sa lalaking natatakot manligaw at magtapat ng pag-ibig sa babaeng kanyang napupusuan? Eh, ‘di tumandang binata, habambuhay!
2. Samantala, ‘yung estudyante na paaaralin ng kanyang mga magulang upang makatapos sa kolehiyo ay natakot pumasok sa eskuwelahan kaya hindi nakatapos ng pag-aaral!
3. Ibig sabihin, kapag pinanatili natin ang takot sa ating buhay, malabo tayong lumigaya at magtagumpay.
4. Kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon, Flor, kahit na natatakot ka, mag-apply ka pa rin at sumunod sa pinagagawa sa iyo ng pinsan mo sapagkat ganyan talaga ang buhay, kailangang umalis ka sa comfort zone mo upang makaranas ka ng mas maunlad at maligayang kapalaran.
5. ‘Ika nga, “ligtas ang bangka sa pampang, ngunit, ginawa ang bangka upang pumalaot sa dagat”. Gayundin ang iyong personalidad, ginawa ito upang makipagsapalaran ka sa ibayong-dagat dahil doon ka higit na magiging maligaya at uunlad.
6. Kahit hindi ka nakatapos ng college, walang problema dahil ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing makapag-a-abroad ka. Ibig sabihin, kung mag-a-apply ka ngayon, walang duda, sa susunod na taong 2019, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.
7. Ang problema lang, nagsama nang mahigit isang pulgada ang Life Line at Head Line (Drawing A. at B. L-L at H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing likas na mahina ang iyong loob at kulang ka sa sigasig at tapang upang sumuong sa mga panganib ng buhay na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 2.
8. Kaya para tumapang ka, palagi kang sumama sa mga taong nagtataglay ng mga birth date na 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28 — sila ang klase ng mga nilalang na tutulong sa iyo upang mas madali mong mapitas ang tagumpay at kaligayahan. Kaya palagi kang sumama sa kanila at sundin mo ang mga ipinagagawa nila. Sa ganyang paraan, mas madali kang mananaig, uunlad at magtatagumpay.
MGA DAPAT GAWIN
1. ‘Yung pag-aalinlangan sa puso, mahirap mawala ‘yan dahil ang totoo, nasa pagkatao mo na ‘yan, pero kung babaguhin mo ang iyong lagda, kusa nang magbabago ang kapalaran mo, lalakas ang iyong loob at magkakaroon ka ng tiwala sa iyong sarili.
2. Paano mo babaguhin ang iyong lagda? Huwag mong ibalikwas sa direksiyong pakaliwa ang huling buntot ng letrang “g” sa iyong pirma na naging dahilan upang mababoy ang lagda mo na parang binurara.
3. Sa halip, pasibatin mo ito sa direksiyong pakanan at pataas ang huling stroke ng letrang “g”.
4. Sa ganyang pagbago ng lagda, makikita at mararamdaman mo na kahit na nanghihina ang iyong loob sa pag-a-apply sa abroad, kusa nang papabor sa iyo ang kapalaran kung saan habang nag-a-apply ka, tuluy-tuloy ka ng susuwertehin at papalarin sa lahat ng iyong nilalakad at ginagawa hanggang sa sumapit ang taong 2019 sa edad mong 29 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.




Comments