Multa sa gagamit ng plakang 8, aprub!

TAPOS na ang maliligayang araw ng mga feeling hari sa kalsada dahil sa plakang “8”.
Kasunod ng utos na ibalik na ang lahat ng number 8 protocol plates. Tiket at multa ang kahaharapin ng mga motoristang gagamit pa rin nito.
Ayon sa Philippine National Police-Highway Patrol Group, katuwang ang Land Transportation Office ay tututukan na rin ang mga sasakyang patuloy na gagamit ng number 8 car plates.
Multang P5, 000 ang ipapataw sa sinumang mahuhuli.
Samantala, natunton na ng mga awtoridad ang sasakyan ng lalaki na nasa viral video na dalawang beses nasangkot sa away-trapiko.
Gayunman, wala na raw ang plakang otso sa sasakyan at iba na ang kulay ng SUV.
Maaaring hindi na matukoy kung talagang sa isang kongresista nanggaling ang plakang gamit niya o puwedeng pinagawa lang para sa ganyang asta niya sa kalsada.
Ang mahalaga, malinaw ang utos ng Kamara at banta ng PNP-HPG na bawal ang plakang ‘8’ kaya huhulihin ang sinumang matigas ang ulo at makapal ang mukha.
Pare-pareho tayong bumibiyahe, naaabala sa trapik, nasasagad ang pasensiya kaya pare-pareho rin tayong maging mapagpasensiya at disiplinadong motorista.





Comments