- BULGAR
Kaya ‘wag ka raw advance kung mag-isip, besh! MAAGANG PAGPAPATUGTOG NG CHRISTMAS SONG, BAD SA HEALTH
Jersey Sanchez / Gulat ka 'noh?!

EXCITED ka na ba sa paparating na Pasko, kaya naman halos araw-araw ito ang tema ng sound trip mo? Naku, knows ba ninyong maaari itong maging sanhi ng stress?
Weh, ‘di nga?
Ayon sa survey na isinagawa sa American Psychological Association noong 2006, 61 porsiyento ng mga kalahok ang nakararanas ng stress tuwing Christmas Season.
Sa katunayan, ipinaliwanag ni Dr. Peter Christenson ang dahilan kung bakit nakararamdam ng stress at pressure ang karamihan pagdating ng Christmas Season.
Ang pakikinig sa mga kantang pamasko umano ay nagbibigay ng pressure sa mga tao dahil ipinaaalala nito ang ilang responsibilidad na kailangang pagtuunan ng pansin tulad ng pamimili ng panregalo sa mga kapamilya at kaibigan.
Ang stress ay maaaring magdulot ng sakit ng ulo, pagtaas ng presyon ng dugo at pananakit ng dibdib. Ang mga ito ay maaaring umabot sa diabetes, high blood pressure, asthma at arthritis.
Gayunman, ang pagtaas ng cartisol o stress hormone ay nakapagpapataas ng dami ng fat tissue sa katawan na nagiging sanhi rin ng pagtaas ng timbang.
Samantala, sa pag-aaral sa Washington State University noong 2003, ang pagpapatugtog umano ng mga Christmas song sa mga mall ay marketing strategy ng mga negosyante.
Ang pagpapatugtog ng mabagal na tempo ng kanta, dahil sa kalmado at nakarerelaks na musika, napapabagal ang pamimili ng mga customer kaya mas maraming oras ang inilalaan nila sa pamimili at kung minsan ay mas marami pa silang nabibili.
Kapag ang kanta naman ay mayroong mabilis na tempo, kadalasang naiirita ang mga customer kaya mabilis itong namimili upang makaalis agad sa store.
Kaya ang paalala ng mga eksperto, hindi masamang makinig sa mga kantang pamasko, ngunit, iwasan na raw muna ang malakas na pagpapatugtog nito nang sa gayun ay hindi ma-stress ang lahat at mabawasan ang noise pollution.
Kaya mga bro at sis, huwag masyadong malakas sa pagsa-soundtrip, ha? Gets mo?