Problema sa pabahay, dapat nang tutukan
- BULGAR

- Nov 13, 2018
- 1 min read
KASABAY ng patuloy na pagtaas ng populasyon, lumalawak din ang isyu sa pabahay kung saan may bakante, roon magtatayo ng bahay kahit bawal at delikado.
Mayroon sa ilalim ng tulay, gilid ng kalsada, tabing-ilog, pagitan ng mga establisimyento kahit saan basta makakapuwesto.
Ang tawag sa kanila ay mga informal settler na karamihan ay galing sa mga probinsiya na nakipagsapalaran sa lungsod hanggang sa ang mga anak ay nagkapamilya at nagtayo na rin ng bahay sa kung saan uubra.
Sa ganitong sitwasyon, hindi maiwasan na magkaroon ng problema. Unang-una sa kaligtasan. Kung hindi maayos ang tirahan, maaaring malagay sa alanganin ang pamilya.
Lantad sa banta ng kalamidad, aksidente at krimen dahil walang maayos na sistema.
Bilang tugon, isa sa mga inihihirit sa Kongreso ang pagkakaroon ng isang departamento na tututok dito, partikular sa isyu ng pabahay.
Ito ay ang Department of Human Settlements and Urban Development.
Batay sa pagtataya, aabot sa 1.2 million units ng bahay ang kailangan pang itayo ng pamahalaan para sa mahihirap na mga Pinoy na walang sariling bahay.
Palagi nating sinasabi na gaano man kaliit o kalaki ang isang bahay basta ito ay tahanan at siyempre, tiyakin din na ito ay ligtas para sa mag-anak.
Umaasa tayo na darating din ang panahon na wala nang informal settlers, lahat ay nasa maayos ng pabahay.





Comments