- BULGAR
Lumusong sa sobrang lamig na lagoon, 'di nakahinga… ALESSANDRA, NAG-50-50
Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

BUWIS-BUHAY ang pinagdaanan ni Alessandra de Rossi sa shooting ng kanilang bagong pelikula ni Paolo Contis na Through Night and Day, na kinunan sa Iceland.
Ayon sa direktor ng pelikula na si Veronica Velasco, muntik nang ikamatay ni Alex (palayaw ni Alessandra) ang isang eksena na kinunan nila sa isang hot spring lagoon, na hindi naman daw talaga “hot” kundi napakalamig dahil umabot daw sa negative 10 degrees ang temperatura nu’ng isinu-shoot nila ang eksena.
Kuwento pa ng direktor, sinunod nila ang nakasulat sa script na lulusong si Alex sa lagoon para mag-swimming. Nang lumusong na raw si Alex sa tubig, napansin nila na nahihirapan na ito at nanginginig sa ginaw, kaya tinapos nila kaagad ang eksena dahil baka raw kung ano nang mangyari sa aktres.
Aniya, “Ang layo pa ng pool, kailangang mag-trek nang 15 to 30 minutes, so, kung may mangyari sa kanya, hindi namin siya mara-rush sa ospital, maglalakad pa kami.”
Ikinuwento rin ni Alex na hindi na siya makahinga at parang tumitigil na ang tibok ng kanyang puso. Naisip din daw niya na mukhang made-dead na siya habang ginagawa ang eksenang ‘yun.
Kuwento niya, “Sabi ko, ‘My God, mamamatay ako. Lord, puwede bang paabutin mo ako sa Baguio kasi may eight days pa kami du’n?’ Kasi talagang wala na, hindi ko na makontrol ang katawan ko.”
Dagdag pa niya, “Ganu’n pala ang pakiramdam ng parang hypothermia. Akala ko parang manginginig ka lang, tapos mamamatay ka, hindi pala siya ganu’n.”
Sa dami ng pelikulang ginawa ni Alessandra, unang beses lang daw niya itong naranasan, kaya itinuturing niya na second life ang buhay niya ngayon.