- BULGAR
Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, nasa 10 million na
RYAN B. SISON / BOSES
KUNG ano ang itinaas ng presyo ng mga bilihin, siya ring itinaas ng bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa kasalukuyan, marahil, ito ang dahilan kaya marami pa rin sa atin ang lugmok sa kahirapan.
Sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), lumabas sa resulta na umabot na sa 9.8 milyong Pilipino ang walang trabaho sa 3rd quarter ngayong taong 2018.
Base sa resulta ng survey, nasa 22 porsiyento ang adult joblessness kung saan naitalang mas mataas ito kumpara sa 19.7 porsiyento noong June 2018.
Gayunman, sa ngayon, 9.2 percent o katumbas ng 4.1 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho, 8.4 percent o 3.7 milyong Pilipino ang boluntaryong umalis sa kanilang trabaho habang ang natirang 4.4 percent o 2 milyon ay ang mga naghahanap pa ng trabaho sa unang pagkakataon.
Kung saan ito na ang naitalang pinakamataas na joblessness rate sa Metro Manila na may 26.4 percent na 6.9 points itong mas mataas kumpara sa 19.4 percent noong June 2018.
Samantala, sa lumabas na resultang ito ng SWS, sana ay magising ang pamahalaan na lalo pang paigtingin ang pagtulong sa lahat ng mamamayan, gayundin, bilang mamamayan, tulungan natin ang pamahalaan nang sa gayun ay mas maging epektibo ang kanilang mga ipatutupad at gagawing mga proyekto na may maganda talagang epekto para sa lahat.
Tuldukan ang kahirapan, dahil ito ang puno’t dulo ng lahat ng problemang kinahaharap ng ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.