- BULGAR
Customs, 'pag naging private, lalong babaha ng shabu, buwisit!
PABLO L. HERNANDEZ III / PRANGKAHAN
2 ‘STRIKE’ NA ANG MGA MANGGAGAWA KAY P-DUTERTE —Dahil hindi na makausad sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, LPG, bayarin sa kuryente, tubig at pamasahe ang hirit ng mga manggagawa ay P320 dagdag-suweldo, pero ang masaklap P25 lang ang inaprubahan ng Duterte gov’t.
Nakakadalawang “strike” na ang mga manggagawa kay P-Duterte kasi matapos hindi tuparin ang campaign promise na wawakasan niya ang “endo”, ngayon ang inaprubahan na dagdag-daily suweldo sa workers ay P25 lang na kulang pang pambili ng isang kilong NFA “bukbok” rice, buwisit!
◘◘◘
KAPAG PRIVATE NA ANG BUREAU OF CUSTOMS BAKA LALONG BUMAHA NG SHABU SA PILIPINAS? — Ang nais ni Sen. Pres. Vicente ‘Tito’ Sotto III ay isapribado na ang Bureau of Customs (BOC) at tanggalin na ito sa pamamahala ng gobyerno.
Ganu’n, paano kung dummy ng mga bigtime drug syndicate ang “manalo” sa bidding at makabili sa Bureau of Customs?
Aba, Tito Sen, esep-esep din ‘pag may time kasi baka ang mangyari niyan kapag may koneksiyon sa droga ang mamahala sa Bureau of Customs ay baka araw-araw, tone-toneladang shabu na ang pumapasok sa bansa at maging sentro na ng kalakaran ng droga sa buong mundo ang Pilipinas, susmaryosep!
◘◘◘
PIÑOL, TAGILID KAY P-DUTERTE—Nagpahiwatig ng pagkainis si P-Duterte kay Sec. Manny Piñol ng Department of Agriculture (DA) nang hindi ito sumipot sa command conference kaugnay kung paano masosolusyunan ang problema ng mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Rosita.
Dahil diyan, dapat ihanda na ni Piñol ang kanyang sarili kasi baka magulat na lang siya isang araw na sinibak na siya ni P-Duterte, abangan!
◘◘◘
SANGKATERBANG MAGLO-LOTTENG SA PARAÑAQUE CITY—Hindi lang pala si “Joy” ang may pa-lotteng sa Parañaque City kundi pati sina “Jr”, “Lidon” at “Rene”.
Kung ganu’n, ang dami palang maglo-lotteng sa jurisdiction nina Mayor Edwin Olivarez at Parañaque Chief of Police Rogelio Rosales, buwisit!