- BULGAR
Mga maagang nangangampanya, huwag iboto!
ALAM nang mali, ginagawa pa rin!
Ganyan kagagaling ang mga astang kagalang-galang na kandidato pagdating sa usapin ng premature campaigning.
Palibhasa, alam nilang may butas ang batas kaya sinasamantala. Paulit-ulit na ipinaliliwanag ng Comelec na kapag humirit ang kandidato sa media na mag-cover ng kanyang aktibidad, maliwanag pa sa sikat ng araw na ito ay isang uri ng premature campaigning!
Meron man o walang salita na humihimok sa tao na iboto ang isang kandidato, ang mga materyales tulad ng posters na may picture nila ay isang campaign propaganda.
Hindi man nila palagyan ng “iboto n’yo ‘ko”, basta nandu’n ang pagmumukha nila, mali na ‘yan! Ang problema, hanggat hindi naisasabatas ang panukalang pag-amyenda sa batas na nagbabawal sa premature campaigning, hindi pa rin maparurusahan ang mga epal na pulitiko.
Gayunman, kailangan pa ba ng batas sa mga bagay na alam naman nating mali?
Alam nating may sinusunod tayong kalendaryo. May panahon kung kailan dapat magsumite ng certificate of candidacy at siyempre may tamang panahon din sa pangangampanya.
Palibhasa, ‘yung iba, ang trip ay ubusan ng pera at pakapalan ng mukha kaya hindi na kinikilala kung ano ang tama sa mali. Kaya tayong mga botante, maging mapanuri at galingan ang pang-amoy.
Kung nadadalas ang pag-iikot ng mga kandidato sa ating barangay, alam na! ‘Yung mga tarpaulin na lahat ng okasyon may pabati pati sa mga lamay, alam na!
At hindi man sila maparusahan sa batas, sa halalan tayo na ang humatol! Huwag iboto ang mga maeepal na kandidato!