- Eddie M. Paez, Jr.
INDONS AT KOREANS, DOMINADO ANG WEIGHTLIFTING CHAMPIONSHIPS

DINOMINA ng mga kinatawan ng Asya ang kompetisyon sa limang bagong kategorya na isinulong sa 2018 International Weightlifiting Federation (IWF) Weightlifting Championships sa Ashgabat, Tukmenistan pero hindi napabilang ang pangalan ng Pinay na si Hidilyn Diaz sa mga nakasampa sa podium.
Si North Korean bet Yun Chol Om ang nangibabaw sa 55 kgs na grupo ng kalalakihan samantalang ang Indonesian na si Eko Yuli Irawan ang nagkampeon sa pangkat ng men’s 61 kgs.
Ang malupit na women’s troika naman mula sa Thailand na sina Thunya Sukcharoen (45 kgs), Chayuttra Pramongkhol (49 kgs) at Sukanya Srisurat (55 kgs.) ang nakaakyat sa trono ng kani-kanyang grupo.
Samantala, hindi na nadagdagan ang koleksiyon ni Diaz na tatlong tanso at isang pilak sa kasaysayan ng world championships nang nabigo itong makapag-uwi ng kahit na anong klase ng medalya ngayong taong ito.
Wala na sa kalendaryo ng kompetisyon ang grupo ng mga 53 kilograms na mga babaeng weightlifters.
Matatandaang sa weight bracket na ito nakasikwat si Diaz ng Olympic Games silver medal at Asian Games gold.
Sa halip ay nasa grupo na siya ng mga may bigat na 55 kgs kasama ang 41 iba pang weightlifters.
Pero sa Ashgabat, ang lakas ng Pinay ay nasa pang-11 puwesto lang sa standing dahil sa nabuhat niyang 93 kgs. sa snatch, 110 kgs sa clean & jerk at 203 kgs sa kabuuan (ang nagkampeong Thai ay nakapagsumite ng 232 kgs.).
Isa pang pambato ng Pilipinas ay sumabak din sa kompetisyon pero hindi nagmarka.
Si Eileen Rose Perez ay tumapos sa pang-29 na baytang sa 49 kgs bracket na nilahukan ng 34 na atleta dahil sa kanyang naipakitang 65 kgs. sa snatch, 83 kgs sa clean & jerk at total na 148 kgs.