- Jersy Sanchez
Kaya mas oks daw kung niluluto talaga ito nang maayos, besh! PAGMA-MICROWAVE NG POPCORN, NAKAKAKANSE

PABORITO ba ninyo ang microwavable popcorn dahil napakadali nitong ihanda? Naku, mga besh, alam ba ninyo na ang packaging nito ay maaaring magdulot ng kanser? Hala!
Ayon sa mga eksperto, ang packaging ng microwavable popcorn ay mayroong kemikal na tinatawag na perfluorinated compounds o PFCs, ito ang pumipigil sa pagkalat ng mantika sa packaging nito. Gayundin, ito ay nagiging perflurooctanoic acid o PFOA na nakapagdudulot naman ng kanser. Ang kemikal na ito ay napupunta sa popcorn habang niluluto at kapag kinain na ito, mananatili ang kemikal sa ating dugo sa loob ng mahabang panahon.
Kadalasang ginagamit sa ilang produkto ang PFCs, kaya naman 98 porsiyento na ng mga Amerikano ang mayroong kemikal na ganito sa kanilang dugo.
Gayunman, sa pag-aaral na isinagawa ng C8 Science Panel hinggil sa kung paano nakaaapekto sa kalusugan ang kemikal na PFOA, inobserbahan ng mga researcher ang ilang residente na naninirahan malapit sa DuPont’s Washington Works, isang planta sa West Virginia. Ang nasabing planta ay nagre-release ng PFOA mula noong 1950's.
Matapos ang ilang taong pag-aaral, napag-alaman ng mga researcher na ang exposure sa PFOA ay maaaring maging sanhi ng kidney cancer at testicular cancer.
Kaya naman ang payo ng mga eksperto, iwasan na ang pagbili ng microwavable popcorn at bumalik na lamang sa tradisyunal na paraan ng pagluluto nito.
Kaya mga besh, huwag manghinayang sa oras na inilalaan sa pagluluto ng popcorn. Okie?
Stay healthy!