- BULGAR
Solusyon sa trapik, sisimulan na!
NAKAMAMANGHA talagang bumiyahe ‘pag holiday!
Ang luwag ng kalsada, lalo na sa EDSA.
Walang bakas ng malalang trapik, hindi mo maisip na ito ‘yung mahabang parking lot tuwing bibiyahe paalis at pauwi ng bahay.
‘Yung ilang oras kang tengga sa lansangan, puwede palang mapabilis, tuwing walang pasok nga lang.
Anyway, next month, nakatakda na ang ground breaking para sa sinasabing solusyon sa malalang trapik, ang Mega Manila Subway.
Kasunod nito, sisimulan na rin sa 2019 ang konstruksiyon para sa nasabing proyekto at ito ay mas maaga umano sa itinakdang 2020.
After 2 years, operational na umano ang unang tatlong istasyon ng subway.
Ang subway na P227 billion ang halaga na popondohan ng Japan ay mula Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.
Ito ay isa sa mga highlight ng Build, Build, Build Program ng kasalukuyang administrasyon.
Kahit paano, may inaasahan ang taumbayan na solusyon sa grabeng trapik.
Ilang taon na ang lumipas at ilang pangulo at mga opisyal na ang dumaan, natatrapik pa rin tayo at halos sa kalsada na tumira.
Kaya sana, ito na ang sagot at kung naging epektibo ito sa ibang mga bansa sa Asya, gayundin sana sa atin nang mabawasan na ang problema ni ‘Juan’.